Pagong na nakalulon ng libong barya, inoperahan
INOPERAHAN ng mga beterinaryo sa Thailand ang isang 25 anyos na pagong na hindi na makalangoy dahil sa rami ng barya na nilulon nito.
Omsin ang pangalan ng pagong, na salitang Thai para sa alkansya. Tinatayang libong barya ang nalulon nito.
Bagay na bagay ang pangalan sa pagong dahil nilululon nito ang mga barya na inihuhulog ng mga tao sa kanyang lungga sa paniniwalang magdadala ito ng suwerte.
Sa sobrang dami ng nilulon na barya ni Omsin ay umabot na sa limang kilo ang bigat ng mga ito kaya naman nahirapan na ang pagong sa paglangoy.
Nagpasya na ang mga beterinaryo mula Chulalongkorn University na operahan si Omsin nang mapansin nilang irregular na ang paglutang nito sa tubig.
Umabot ng pitong oras ang kakaibang operasyon, na pinaniniwalaan ng mga Thai veterinarians na kauna-una-han sa buong mundo.
Nakuha sa bituka ng pagong ang 1,000 barya na karamihan ay dayuhang pera samantalang ang iba naman ay kinakalawang na.
- Latest