Ang gimik ng ama

IPINATAWAG ni Tata Idel ang kanyang dalawang anak na lalaki upang ipagtapat ang isang lihim na matagal na niyang itinatago.

“Noong binata pa ako, ang aking ina ay may mga alahas na ipinatago sa akin. Sugarol ang aking ama at natatakot siyang pati ang alahas niya ay pagdiskitahan kapag naubos na ang pera nito sa kasusugal. Matalas ang pang-amoy ng aking ama kaya naisip ko itong ibaon sa ating taniman ng mangga. Naglagay ako ng palatandaan kung saang puno ko ito ibinaon. Ang problema ay nawala ang palatandaan kong iyon. Nang magtrabaho ako sa abroad at muling bumalik dito sa Pilipinas, marami na ang punong itinumba ng bagyo at tinaniman ng panibago.”

“Baka ho may nakakuha na sa jewelry box na iyon. Di ba’t naghuhukay kapag magtatanim ng puno?”

“Hindi iyon mahuhukay dahil napakalalim ng pagkakabaon ko. Hindi iyon aabutin kahit pa maghukay para magtanim ng mangga.”

“Ano po ang gusto ninyong gawin namin?”

“Kayo ang gusto kong maghanap ng alahas. Noon ay may halaga iyon ng tatlong milyong piso.”

Ang dalawang anak ang napilitang maghukay dahil kung kukuha ng mga tauhan, kakalat na may kayamanan sa kanilang manggahan. Hindi rin makagamit ng metal detector dahil ang jewelry box ay yari sa synthetic.

Makalipas ang ilang buwang paghuhukay, hindi pa rin makuha ang hinahanap kaya’t sumuko na ang magkapatid. Naisip nila, sa rami ba naman ng mga naitanim na puno simula nang itago sa hukay ang alahas, posibleng may nakakuha na rito. Magkaganoon pa man, biglang nagkaideya ang panganay na taniman nila ng pinya ang lupang nabungkal nila. Pinya kasi ang nakatanim sa mga katabi nilang lote. Kung magtatanim ng pinya sa ilalim ng mga puno ng mangga, doble ang kikitain nila dahil dalawa na ang magiging produkto ng kanilang plantasyon.

Simula noon ay ang mga anak na ang namahala sa kanilang plantasyon. Biglang naging responsable nang nakatikim ng isang milyong pisong kontrata mula sa kompanyang naglalata ng pinya. Kinuha silang supplier ng pinya. Pero naroon pa rin ang paniwala ng magkapatid na mahahanap pa rin nila ang ibinaong alahas. Naghihintay lang sila ng right timing.

Sa kabilang dako, gimik lang ng ama ang kayamanang ibinaon. Saksakan kasi ng tamad ang dalawa niyang anak. Matatanda na ay lagi pa rin nakaasa sa kanya. Nais niyang matutong magbanat ng buto ang mga ito. Isa pa, nag-aalala siya na kapag namatay na silang mag-asawa ay ibenta nang walang awa ng kanyang mga anak ang plantasyon ng mangga. Magdadalawang isip itong ibenta kung alam nilang may nakabaon ditong kayamanan.

              

Show comments