ISANG babae mula sa Bangkok, Thailand ang inaresto sa airport makaraang makita sa kanyang bagahe ang isang buhay na baby tiger.
Ang babae ay nakila-lang si Piyawan Palasarn. Patungo ng Iran si Piyawan.
Nadiskubre ang tigre makaraang idaan sa x-ray machine ang kanyang bagahe sa Bangkok airport. Nagduda ang personnel sa x-ray machine kaya ilang ulit idinaan ang bagahe ni Piyawan. Hanggang sa makita ang baby tiger sa bagahe.
Hindi agad mapapansin sa x-ray machine ang buhay na tigre sapagkat isinama ito sa mga stuffed tiger toys.
Nang buksan ng mga airport personnel ang bagahe, nakita nila ang baby tiger na inaantok at halatang may pinainom na droga.
Nang tanungin si Piya-wan, itinanggi niyang sa kanya ang bagahe. Kung anu-ano pa ang kanyang alibi.
Pero hindi siya pinaniwalaan at inaresto ng airport authorities.
Sa Thailand, mahigpit na ipinagbabawal ang smuggling ng mga hayop. Ang parusa sa mapapatunayan ay 4 na taong pagkakabilanggo at pagbabayarin ng 40,000 Baht.