Nararapat nang itatag ang Department of OFW
MAIHAHALINTULAD sa isang exclusive country club ang uri ng accreditation mayroon ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) sa mga local recruitment agency (LRA).
Mala-untouchables ang treatment lalo na sa mga LRA na nagkulang at nagpabaya sa kanilang mga responsibilidad sa mga napaalis na overseas Filipino workers (OFWs).
Kapag kasi may nalabag, nagpabaya o inireklamo ang isang recruitment agency na accredited o lisensiyado ng POEA, hindi agad puwedeng kastiguhin o bisitahin para kuwestiyunin. May due process daw kasi baka sila mademanda.
Kesehoda pang ‘yung kababayan nating nasa ibang bansa, nasa hukay na ang isang paa sa pang-aabusong dinaranas. Ang mahalaga, hindi sila (POEA) makagalitan ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre “Bebot” Bello III.
Anak ng tipaklong, kailan pa lumuhod ang isang tanggapan sa kanyang nasasakupan na nasa ilalim ng kanyang kapangyarihan?
Kaibigan ko si Secretary Bebot pero maaaring hindi pa sa kanya nakakarating ito.
Kami mismo sa BITAG, saksi sa ganitong sistema, ginawa na ito sa amin ng ilang beses sa inilapit naming ilang kaso. Ang sistemang ito ang nagpapahirap sa mga Pilipinong manggagawa sa ibang bansa.
Bago pa makarating sa kinauukulan ang kanilang mga isyu, pasikut-sikot at marami pang prosesong daraanan. Kaya ayun tuloy, kung kailan na lang magkandamatay ang OFW sa kamay ng malulupit na employer, saka lang magsisipag kiyaw-kiyaw ang lahat.
Kaliwa’t kanan ang epal ng mga miyembro ng ASS (angkas, sawsaw, sakay).
Kaya dapat nang itatag ang Department of OFW. Espesipikong departamento na hahawak sa mga bagay na may kinalaman ukol sa mga OFW.
Pabor ang BITAG dito, para diretso nang matugunan ang mga reklamo, pangangailanga’t maging sentimiyento ng mga OFW. Magkaroon ng mahigpit na pagpapatupad ng regulasyon na agarang tutugon sa kapakanan ng mga OFW at kakastigo sa mga pasaway na recruitment agency.
Sa tingin ko ay sobrang laki na rin ng saklaw ng Department of Labor and Employment. Dito pa nga lang sa Pinas, ay hindi pa matapus-tapos at masolusyunan ang marami pang isyu ng mga manggagawa.
Panahon na para ihiwalay ang mga isyu tungkol sa mga OFW para matutukan at hindi na maulit ang kapabayaang tulad ng sinapit ng Pinay household worker sa Kuwait na nauwi sa kapahamakan.
- Latest