Bakit mahirap nang humanap ng katulong?

MAHIGIT isang buwan na ang nakararaan, inaprubahan ng wage board ng Metro Manila ang pagtaas ng sahod ng mga kasambahay na mula P3,500 ay ginawa nang P5,000. Gayunman, inaamin ng Department of Labor and Employment na kulang ang ngipin ng batas para maparusahan ang mga amo na hindi susunod sa minimum wage requirement para sa mga katulong.

Pero, kahit wala ang bagong itinakdang minimum wage na ito, may mga tao o pamilya lalo na ang mga mayayaman na nakahandang magbayad ng P4,000 o P5,000 para lang makakuha ng katulong. Dahil nga napakahirap nang humanap ng katulong sa kasalukuyan na nararamdaman ng maraming pamilyang Pilipino o mag-asawang parehong nagtatrabaho na meron pang maliliit na mga anak na hindi puwedeng maiwang walang kasama sa bahay.

Ang pinakamatindi, kung napakaliit lang ng kinikita ng isang mag-asawa o isa lang sa kanila ang may trabaho na dahilan para hindi nila kakayaning magbayad ng P5,000 sahod na iyan. Kadalasan, ang mga maliliit lang ang kinikita ay kaya lang magpasahod sa katulong halimbawa ng P2,000 o P3,000 na isa ring malaking dahilan kung bakit lalo silang nahihirapang humanap ng kasambahay. Kaya mapalad ang mag-asawang merong miyembro ng pamilya na handang magbantay sa kanilang mga anak habang nasa trabaho sila. Pero paano na ang mga walang ibang maaasahang titingin sa mga bata habang wala sila?

Bukod dito, isa sa nakikita kong dahilan ang matinding kumpetisyong kinakaharap ng mga pamilyang Pilipino. Ito ang mas mataas na sahod na iniaalok ng mga dayuhan sa ibang bansa. Hindi kataka-takang maengganyong mamasukang katulong sa ibang bansa ang isang Pilipina halimbawa kung kikita siya ng P20,000 halimbawa kada buwan kaysa naman magtrabaho siyang katulong dito sa Pilipinas na ang sahod ay barya lang kumpara sa susuwelduhin niya sa ibayong dagat. Kaya nga dumami nang dumami ang mga domestic helper na Pilipina sa ibang bansa tulad sa Singapore, Hong Kong, sa Middle East dahil sa laki ng kikitain. Kaya kaduda-duda kung makakatulong ang P5,000 minimum wage na itinakda para makakuha ng kasambahay.

Ang masakit pa nito, kung hindi mag-iingat ang isang pamilya, baka makakuha naman sila ng katulong na gagawan sila ng masama tulad halimbawa ng nanakawan sila habang sila ay nakatalikod. Hindi kasiguruhang matino ang isang kasambahay kung sa ahensiya ito makukuha.  Pero meron namang pamilya o mga amo na lubhang malupit o abusado sa kanilang mga kasambahay na isang dahilan na rin para matakot o magdalawang-isip ang iba na pumasok na katulong sa bahay.

Kaya, sa mga walang katulong, nagkakasya na lang ang mga miyembro ng isang pamilya na magtulungan na lang sila sa isa’t isa sa mga gawaing bahay hangga’t maaari.

••••••

Email: rbernardo2001@hotmail.com

Show comments