ISANG siyudad sa Ohio ang nagtala ng bagong Guinness World Record nang 1,482 katao roon ang nagtipon para sabay-sabay na magbalot ng mga regalo.
Ayon sa mga nag-organisa ng world record attempt sa Portsmouth, nasa 900 hanggang 950 katao lang inaasahan nilang dadalo, ngunit sa huli ay halos 1,500 ang lumahok sa malawakang pagbabalot ng regalo sa Market Square ng nasabing lungsod.
Bigay ng Hallmark Channel ang wrapping paper na ginamit ng mga nagbalot samantalang nakaabang naman ang isang Guinness adjudicator upang masigurado ang pagsunod ng mga kalahok sa patakaran ng Guinness.
Sa huli, kinumpirma ng Guinness na tinalo ng 1,482 na mga kalahok ang dating record na 876 katao na sabay-sabay nagbabalot ng regalo.
Ito na ang pangatlong world record na naitala ng Portsmouth matapos nilang makuha ang world record para sa pinakamaraming tao na kumakanta ng Christmas carol at world record para sa pinakamaraming tao na nagtatanim ng halaman sa paso.