MAHALAGA ang oras na inilalaan ng BITAG sa mga reklamong araw-araw na dumarating sa aming tanggapan. Ako mismo, katuwang ang mga BITAG staff ay isa-isang hinaharap ang complainant na nakapila sa aming public service. Matiyagang iniimbestigahan ang sumbong at reklamo na ilalapit.
Totoo, nakakapagod. Sa halos daan taong pumipila sa public service araw-araw, maraming oras ang ilalaan dito. Subalit kapag umaliwalas ang mukha at nawalan ng alalahanin ang pinayuhan, inspirasyon ito para kami magpatuloy.
May paalala lamang ako sa publiko. Maganda ang ending ng araw natin pare-pareho kung bukas ang inyong isipan sa solusyon na aming gagawin. Kung wala kayong balak makipagkasundo sa kabilang panig at ipipilit ang inyong kagustuhan na hindi naman ayon sa batas, h‘wag aksayahin ang aming oras sa BITAG.
Eto ang halimbawa. Isang buntis na ginang ang inirereklamo ang kanyang kaibigan. Ayaw daw nitong ibigay ang kanyang mga gamit na naiwan sa bahay. Mababaw ang dahilan ng kanilang pagkakagalit, pinagsabihan siya ng kaibigang huwag nang mamigay ng ulam sa kapitbahay. Pinakinggan ko pa rin siya, sinubukan pa naming resolbahin ang kanyang problema sa Aksiyon Ora Mismo.
Ayon sa kanyang kaibigang nakausap ko sa ere, hindi niya ibibigay ang mga gamit ng ginang dahil may utang pa ito sa kanya. Nagbilangan pa ng pabor ang dalawa habang kami’y naka-ere. Hinabaan ko pa ang pisi para maisalba pa sana ang samahan ng dalawa. Maraming solusyon na akong binigay pero imbes magpatawaran, pataasan pa rin ng ihi ang mga putok sa buho.
Mag-iisang oras na ng magkapalitan ng paumanhin sa isa’t isa, tapos na sana. Ang dalawang kolokay, nagtarayan uli at talagang walang gustong magpakumbaba.
Bago pa maubos ang aking pasensiya dahil marami pang nakapila sa aming public service, nag-ala King Solomon na ako sa sunod na payo. “Kumuha kayo ng kutsilyo at bahala na kayong magsaksakang dalawa!”
Para sa akin, wala nang ibang makakatulong sa mga ganitong klaseng tao kundi ang sarili lang nila. Kahit hindi na estilo ng BITAG ang maging referee, ginawa pa rin namin ang makakaya.
Maganda ang layunin ng BITAG na agad maresolbahan ang bawat sumbong at reklamo. Kung pakikitaan kami ng makasarili’t matigas ang puso na pag-uugali, may dalawa kayong pagpipilian. Lalambot ka’t tutulong sa aming maresolba ang BITAG o lalayas ka sa harapan ko’t gawin mo na ang iyong gusto!