Hindi kami humihingi ng pamasko kahit kanino!
SUNUD-SUNOD na ang report na dumarating sa aking tanggapan na umano’y nagso-solicit o humihingi ng donasyon o pamasko ang BITAG.
Ako raw, si Ben Tulfo at mga staff ng BITAG ay tumatawag sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno mula Luzon, Visayas hanggang Mindanao.
Humihingi raw kami ng pera, regalo at pagkain, pangunahin na ang lechon para daw sa aming Christmas party ngayong buwan na ito.
Sa kolum na ito, lilinawin ko at magbibigay ako ng babala. WALANG Christmas Party o anumang salu-salong isasagawa ang BITAG Media Unlimited Inc (BMUI) o BITAG Multimedia Network (BMN).
Ngayong 2019, kami sa BITAG ang magbabahagi ng kasiyahan at pagpapala sa isang charity organization na aming napili
Ito’y bilang pasasalamat sa Diyos sa buong taong paggabay, pagbibigay kalakasan at grasya sa aming kompanya.
Tuluy-tuloy na naisakatuparan ng BITAG ang aming adbokasiya na tumulong sa mga nangangailangan ng walang bayad. Hindi rin kami pinopondohan at pasahurin ng gobyerno o sinumang politiko.
Uulitin ko, HINDI kami humihingi ng donasyon kahit kanino at HINDING-HINDI kami tumatawag sa mga tanggapan ng gobyerno at pulitiko para sa aktibidades na ito.
Kuwidaw ang lahat ng tanggapan ng pamahalaan at maging sa mga pribado. Oras na may tumawag at magpanggap na Ben Tulfo o mga staff ng BITAG, ipagbigay alam agad sa amin.
Tumawag sa mga numerong 8281-4251, 8281-4256 at 8281-4257. Maaaring mag-email sa [email protected] o magmensahe sa mga facebook pages ng BITAG; BITAG Live, BITAG Multimedia Network, Ben Tulfo Unfiltered at Pambansang Sumbungan, Aksiyon Ora Mismo.
Ilalantad namin ang mga patay-gutom na ginagamit ang pangalan ng BITAG para makapangotong!
- Latest