Hindi kumakampi ang BITAG!
NAGHAHANAP ka ba ng kakampi? Puwes, hindi kami ‘yun sa BITAG. We don’t take side, we take a stand! Tagatabla kami ng mga totoong inabuso’t niloko, hindi tagakampi kung kaninong panig.
Sa mga manggagawang lumalapit at lalapit pa sa aming tanggapan para ireklamo ang kanilang mga kompanya, paalala lamang. Bawat kompanya ay may kanya-kanyang regulasyon na dapat sundin ng mga empleyado.
Kung talagang naabuso ka’t nalabag ang iyong karapatan bilang manggagawa, ipagtatanggol ka ng BITAG. Pero kung pasaway ka at pakakampi ka sa amin, may kalalagyan ka rin.
Anim na manggagawa ng Levina Place ng DMCI Homes ang nagsusumbong sa BITAG last week. Sinuspinde raw sila sa trabaho at ililipat pa sa ibang site na malayo sa kanilang mga tirahan.
Ang sanhi, disciplinary action pala ito ng tatlong kolokoy dahil sa pinakita nilang hindi magandang pag-uugali habang sila’y naka-duty.
Batay sa imbestigasyon ng kompanya na nakasulat mismo sa memo na ibinigay sa mga nagrereklamo, lumabag ang mga empleyado sa mga patakarang may kaugnayan sa pag-uugali’t pakikisama sa trabaho.
Nakitaan sila ng kalapastanganan, hindi pagtupad, at malaswang pag-uugali sa kanino man sa loob ng kanilang kompanya at mga kliyente nito. Kaya naman, tumakbo sila sa BITAG para magpakampi dahil hindi raw makatarungan ang parusang ipinataw sa kanila.
Hindi ako nakialam, bagkus ay ipinaintindi sa kanila ang kanilang kalagayan. Dumaan sa tamang due process at imbestigasyon ang kompanya bago sila patawan ng parusang suspensiyon.
Kung sila’y sinaktan, pinagmumura, hindi pinasasahod, at walang benepisyo, ‘dun kami puwedeng manghimasok. Tila hindi pa rin nila matanggap ang aking sinabi at pinipilit ang gusto nilang mangyari.
Ang aking payo, kung sa tingin nila’y may nilabag na karapatang pang-empleyado ang kanilang kompanya, kuwestiyunin nila ito sa Kagawaran ng Paggawa.
Hindi naman masamang dumulog sa aming tanggapan para mabigyang linaw ang inyong mga isyu. Ang sinasabi ko lang, hindi kumakampi ang BITAG kung kaninong panig lalo kung may pagkakasala’t pagkakamali talaga kayong ginawa.
Parte ng serbisyo publiko ng BITAG ang magbukas ng kaalaman at katotohanan.
Kaya hindi man pumabor ang BITAG sa inyong sumbong, magbibigay linaw kami mga tamang proseso’t hakbangin. Totoo man kayong naabuso o hindi.
- Latest