Sinungaling ka sa reklamo mo? Katapat niyan, kastigo!
MALINAW ang hangarin ng BITAG at mga programa namin. Ipagtatanggol ang mga taong naagrabyado at niloko, hinding-hindi ang mga sinungaling at manggagamit.
Tulad nitong anim na mga kargador na inireklamo sa BITAG ang agarang pagsibak sa kanila ng employer dahil sa isang aksidente. Nahulog daw kasi mula sa ibabaw ng truck ang minalas nilang kasamahan matapos madulas habang may buhat na mga kargada.
Nakita pa raw ng kanilang employer ang sinapit ng kasamahang nalaglag sa truck. Namumutok ang isang mata nito. Ang problema nga lang daw, imbes na tulong ang binigay ng employer nila, instant sibak daw ang hatol sa kanilang buong grupo.
Hindi makatwiran at makatao ang ginawa sa mga ito ng kanilang employer. Nakapagtataka ang pagsisante nito sa mga kargador gayong may naaksidente silang tauhan. Minabuti kong tawagan ang employer upang mapakinggan din ang kanilang panig sa reklamong pinupukol sa kanila ng anim na kargador.
Ayon sa kay Julie Ann Capuli ng JDD5 Logistic Enterprise Service, hindi naman daw nila regular workers ang mga kargador. Libre pa nga raw ang tinutulugang barracks ng mga ito. Paglilinaw ng kompanya, kaya sinibak ang 6 ay dahil sa lasing ang mga ito habang nagtatrabaho. Ang kalasingan ang naging sanhi ng pagkahulog sa truck at pagkakaroon ng black eye ng isa. Sinibak man noong mangyari ang aksidente, binigyan din naman daw nila ng pamasahe ang 6 na kargador.
Siwalat pa nga ni Julie Ann, sinubukan pa nga raw silang takutin at huthutan ng P20,000 ni Boy Black Eye. Magrereklamo raw ito sa Tulfo brothers.
Binalikan ko si Boy Black Eye at kanyang mga kasamahan. Kandautal na ito kasasagot sa aking mga katanungan sa ere. Samakatuwid, ayaw umamin, Hinamon ko na muli ko silang tatanungin ng may lie-detector test, ayun umamin ng kanilang pagkakamali.
Huwag na huwag gagawing panakot ang BITAG ninuman. Hindi namin trabahong manakot ng indibidwal o kompanya para sa interes ni Hudas, Barabas o Hestas. At kung kayo o ang kompanya n’yo ang inirereklamo, siguradong kukuhanan namin kayo ng panig para linawin ang reklamo. Hindi para ipahiya o murahin.
Mga boss, pinagtatanggol namin ang mga taong nasa ibaba pero kung tulad nito, kung may kasalanan at kamalian, maninindigan din kami na maging patas. Kapag napatunayan ng BITAG na sinungaling at manggagamit ka, ikaw ang kakastiguhin ko!
- Latest