Kinumpiska, binasura?! Baka naman…
KAPAG hindi malinaw ang proseso ng isang kautusan, mapa-ordinansa man yan o batas, siguradong magagamit ito sa kalokohan.
Kung hindi palpakis ang mga nagpapatupad dahil hindi nauunawaan ang protocol, ay sadyang may personal na agenda.
Hindi tutol ang BITAG sa mga isinasagawang clearing operation sa bawat siyudad. Mandato na ito ng pangulo at suportado namin ito.
Ang Metro Manila Development Authority (MMDA) malinaw naman ang proseso sa mga nahuhuli’t nakukumpiskang paninda. Ang MMDA ang pangunahing ahensiya na nagpapatupad ng clearing operations sa Manila kaakibat ang mga lokal na pamahalaan.
Kinumpirma ni PCol. Bong Nebrija, Traffic Chief ng MMDA na lahat ng nakukumpiska ay may tamang imbentaryo’t record.
May mga kinumpiskang paninda na maaari ring tubusin. Binibigyan ng sapat na panahon ang vendor na makakuha ng clearance at matubos ito.
Dagdag pa ni Nebrija, malalim ang pangunawa ng MMDA sa mga street vendors sinisigurado nilang recorded ang bawat clearing operations. Maraming vendors ang nagnanais na tubusin pa rin ang panindang pinuhunanan.
Kung ganoon, bakit ang Quezon City-Market Development and Administration Department (QC-MDAD), agad tinatapon ang mga panindang kinukumpiska?
Ang masaklap, walang record, walang certificate, walang katunayan na ibinasura ang mga kinumpiskang paninda. Tanging blotter lamang na nagsasabing nagsagawa ng operasyon ang MDAD nang araw na iyon.
Ang nakapagtataka, ayon sa ginang na lumapit sa aming tanggapan, siya lamang ang hinuli noong araw na mag-clearing ang QC-MDAD. Sinabihan pa raw siya ng isang miyembro ng MDAD na pumunta sa City Hall para ayusin ang pagtubos ng kanyang mga paninda.
Subalit pagpunta niya sa tanggapan ng MDAD sa City hall, 22 out of 150 pcs confiscated items ang naibalik lang sa ginang. Ang iba, ibinasura na raw, itinapon!
Kinumpirma ito sa pakikipanayam ko sa ere kay PCol. Procopio Libana, OIC ng tanggapan. Nagkakahalaga ang mga ito ng P31,000, hindi birong puhunan na ipinangutang pa.
Talaga ba? Itinapon, ibinasura, bakit walang maipakitang patunay at tamang proseso ng pagdidispose? Baka naman…!
At kung ang nasa ordinansa ay itapon LAHAT ng paninda, bakit may naibalik pang 22 piraso? Ano ba talaga?!
Hinihintay lamang ng BITAG ang pagbabalik sa Pinas ng mayor ng Quezon City upang ipaabot ang sumbong na ito. Hindi pa tapos ang imbestigasyon ng BITAG sa reklamong ito.
- Latest