ISANG lalaki sa India ang arestado matapos magpanggap na piloto upang makalibre ng sakay sa eroplano.
Ayon sa ulat, hinuli ang taga-Delhi na si Rajan Mahbubani, 48, matapos niyang tangkaing sumakay sa isang AirAsia flight sa Indira Ghandi International Airport.
Suot niya ang uniporme ng piloto ng Lufthansa, ang flag carrier ng Germany at mayroon pa siyang ID.
Nabulilyaso lang ang kanyang plano nang tawagan ng mga tauhan ng AirAsia ang Lufthansa upang makumpirma ang kanyang pagkakakilanlan.
Nang mahuli, umamin naman si Mahbubani sa kanyang modus at sinabi pa niya na ilang beses na niya itong nagawa at iba’t ibang benepisyo na ang kanyang natatanggap dahil sa kanyang pagpapanggap bilang piloto.
Kung hindi nakakalibre ng sakay, mabilis daw siyang nakakalampas sa security kung minsan o kaya’y na-upgrade ang kanyang upuan nang libre.