Ex-OFW na nabiktima ng developer, nagpasaklolo sa BITAG!
SA BITAG, real thing kami. Kapag gumawa ka nang tama, bida ka! Pero kapag gumawa ka ng mali, malilintikan ka!
Matagal na itong estilo ng BITAG, taong 2002 pa noong kami’y nag-umpisa ng mga programang pang-serbisyo publiko. Eto ang katwirang nananalaytay sa sistema namin hanggang sa ngayon. Lagi ko ngang sinasabi, hindi kailanman magiging matagumpay ang aming pagtulong sa kapwa kundi na rin sa tulong at pakikipag-ugnayan ng mga otoridad, kinauukulan at may kapangyarihan.
Nais ng BITAG na bigyan ng pagkilala ang agarang aksiyong ginawa ng Lipa Batangas City Government. Walang kiyeme, walang papogi, walang drama at walang paantay, tumulong agad!
Isang dating OFW ang lumapit sa amin at inirereklamo ang Carland Realty Development Corporation. Nasa P140,000 ang kanyang dineposito noon pang 2016 sa pangakong 2018 ay ready for occupancy na ang binibiling bahay. Subalit 2017 na’y ni poste, wala pang naitayo ang developer. Nagpasya na siyang i-refund na lamang ang pera. Sa umpisa ay maayos ang kanilang usapan ng developer subalit habang tumatagal puro palusot at pangako na lamang ang Carland na ire-refund ang pera.
Tumakbo na ang pobre sa BITAG nang abisuhan siya ng Carland na wala nang refund dahil hindi pa nagbabayad ang kanilang engineer. Pinuntahan ng BITAG Field Investigators ang Lipa City Government para ilapit kay Mayor Eric Africa ang reklamong ito.
Agad inatasan ng mayor ang Lipa City Legal Department, Business Permits and Licensing Office (BPLO), at Lipa City Police na puntahan na ang tanggapan ng Carland Realty.Wala kaming nadatnan sa opisina ng inirereklamong kompanya. Sa pakikipag-usap namin sa telepono, puro palusot pa rin ang patutsada nito.
Nagbigay ng babala ang Lipa City Legal Department sa may-ari ng Carland Realty. Mahaharap ang kompanya sa mas malaking problema kapag hindi hinarap ang reklamo. Posibleng umabot sa kasong civil, administrative at criminal case at higit sa lahat ay ma-revoke ang lisensiya at permit to operate ng Carland.
Simpleng mensahe ang pinasiguro ni Mayor Eric Africa sa Carland. Ipasasara ang kanilang tanggapan kapag ipinagwalang-bahala ang reklamong ito.
Kinalunesan, kasama pa rin ang nagrereklamo ay magandang balita ang sumalubong sa amin. Maagang-maaga ay iniwan ng Carland realty ang tsekeng nagkakahalagang P140,000 sa opisina ni Mayor Eric Africa.
Umiwas na sa BITAG ang mga mokong kaya si Mayor Africa na mismo ang personal na nag-abot ng tseke sa nagrereklamo. Eto ang Aksiyon Ora Mismo!
Respect begets respect. Ang kabutihang loob ay susuklian din namin ng kabutihan. Ang trabaho ng BITAG, walang bahid pulitika, hindi showbiz, wala ring personal agenda. Tunay na serbisyo publiko lang!
- Latest