GAANO mo man kanipis hiwain ang isang keso, lagi itong may dalawang banda. Mayroong kaliwa at kanan, may itaas at baba.
Kritikal ang trabaho ng BITAG bilang Pambansang Sumbu-ngan. Kailangan ng matiyaga at masusing pag-aanalisa ng bawat sumbong at reklamong dumarating sa aming action center. Hindi lahat biktima. May naagrabiyado, subalit sila rin ang puno’t dulo ng problema. ‘Yung iba, feeling nalabag lang ang kanilang karapatan pero hindi inisip ang katotohanan at ayon sa batas.
Etong isang ginang na inireklamo kamakailan ang kapitbahay niyang police woman. Mayabang, abusado’t butangera raw ito. Sa katunayan, suntok at sampal daw ang kanyang inabot, may ipinakita pa siyang video ng kanilang pag-aaway. Ang pinag-ugatan, ang negosyong junkshop ng pulis. Sa totoo lang, awang-awa ako sa ginang. Galit ako sa mga otoridad na inaabuso ang kapangyarihan para mang-api ng maliliit na tao.
Sinubukan ko namang tawagan sa ere ang inirereklamong pulis para makuha ang kanyang panig. Subalit hindi ito sumasagot sa aming tawag. Agaran namin itong inilapit kay BGen. Vicente Danao, Jr., ang Regional Director ng Calabarzon Regional Police Office. Aksiyon Ora Mismo rin niyang iniakyat ang reklamo ng ginang sa Internal Affairs Service ng Philippine National Police.
Matapos mai-ere ang reklamo ng ginang, nakatanggap agad kinabukasan ang BITAG ng text sa lespu. Humihingi ng pagkakataong marinig ang kanyang panig. Sino ba naman ang may-ayaw na marinig ang “other side of the story”. May dahilan ang kanyang pagkagaspang ng ugali, ke baluktot man na dahilan ito o hindi, layunin ng BITAG na lumabas ang katotohanan.
Para sa patas na pag-iimbestiga, nagpaliwanag sa Pambansang Sumbungan live ang pulis. Pag-amin niya, sibilyan daw siya ngayon dahil siya’y kasalukuyang suspendido.
Ang dahilan ng kanyang pagkayamot sa ginang, ninakawan daw siya nito ng kalakal. Magkaibigan pa raw sila noon ng nagrereklamo, sa una’y nagpapaalam pa daw ito bago kumuha, kalaunan, unlimited kuha na. May mga ebidensiya ang policewoman, video ng aktuwal na pagkuha ng walang pahintulot ng ginang. Ipina-barangay na rin daw ng pulis ang ginang sa isyu rin ng pagnanakaw nito.
Nagpanting pa ang tenga ko ng magdahilan pa ang ginang, sabi niya, “ipagpalagay na nating nagnakaw ako”… Anak ng kamote, noong lumapit sa aki’y may paiyak-iyak pa, siya naman pala ang may kapritso! Ang hubo’t hubad na katotohanan, hindi porket ikaw ang naunang kumaripas at magsumbong sa BITAG, ikaw ang biktima at tama.
Ganunpaman, isang babala ang iniwan ko sa lespu. Markado na siya sa BITAG, hindi sagot ang pag-aangas at paggamit ng dahas tulad ng ginawa niya lalo’t alagad siya ng batas.
Sa sumbong na ito, wala akong kinampihan. Parehas kong pinaliwanagan, dalawa silang nakatikim ng pangaral. Ipinagpapaubaya na ng BITAG ang sumbong na ito sa kamay ng PNP-IAS kung saan, nagsampa na ng kaso ang ginang laban sa lespu.