Kapalpakan ng mga pulis sa Bislig, Surigao del Sur!

MAY kalalagyan ang mga pulis na nag-imbestiga at humawak sa isang kaso ng pang-aabuso sa Bislig City, Surigao del Sur. Imbes paganahin ang bisa ng hot pursuit sa pagresponde sa isang kaso, kapulpulan ang pina-iral. Kaya hanggang ngayon, pagala-gala ang manyak na suspek.

Mula pa sa Surigao Del Sur ay bumiyahe pa-Quezon City, ang mag-lolo na nagrereklamo. Ang biktima, 10-taong gulang na batang babae. Oktubre 27, 2019 ng pagtangkaang halayin ang biktimang itinago namin sa pangalang “Joy. Ang suspek, ang kanilang kapitbahay na nagngangalang Robert Licong. Ayon sa lolo na siya ring saksi sa krimen, dinala raw ng suspek ang kanyang apo sa silong ng isang bahay. Binusalan ang bibig ng bata at ilang ulit inumpog ang ulo nito sa bato.

Bago pa man tuluyang mahalay ng demonyong lalaki ang bata, napigilan ito ng lolo. Kitang-kita ko ang resulta ng sinapit ng bata, may black eye pa ito’t ‘di na makausap. Ayon kay Lolo, agad silang nagpasaklolo sa Philippine National Police sa Bislig City, Surigao del Sur. Imbes agarang hulihin ang suspek sa bisa ng tinatawag na hot pursuit, hindi rumesponde ang mga pulis. Ang dahilan, wala raw available na mobile o sasakyan ang mga pulis noong oras na ‘yun. Maghintay na lang daw ng warrant of arrest laban sa suspek para mahuli ito.

Kung nasa Metro Manila o Luzon lamang ang mga kolokoy na ito, isang surprise visit ang ibibigay ko. Matagal- tagal na rin akong walang nasasampulan na pulis dahil awa ng Diyos, matitino ang mga nakakatrabaho ng BITAG. Pero iba ang kabuktutan at kakenkuyan ng mga les-pu na’to. Sa programang Pambansang Sumbungan, tinawagan namin si PLtCol. Zaldy Avellero hepe ng PNP-Bislig Station.

Napakamot ako sa ulo, wala ring alam ang hepe sa impormasyon ng kaso. Wala raw kasi siya sa istasyon nang magparesponde ang mga tao. Tsip, hindi ko alam kung tamad, bobo o sadyang engot ang mga tao mo! Kawawa ang mga taong nasasakupan n’yo kung ganyan kayo magtrabaho!

Iniakyat namin ang reklamo kay Col. Joel Coronel, Director ng Criminal Investigation and Detection Group sa Campo Crame. Nangako itong tutulong sa kaso, mahuli ang suspek at mapanagot ang mga pabaya niyang kabaro sa Surigao del Sur. Ayon naman kay Atty. Batas Mauricio, resident lawyer ng BITAG, sa doktrina ng hot pursuit, wala itong panahon at oras ng expiration. Maaaring arestuhin ng mga otoridad ang isang suspek ilang araw man abutin basta’t may malakas at balidong “testigo” sa krimen. Alam kaya ito ng magagaling na pulis sa Bislig?!

Mga boss, layunin namin sa BITAG na ipakita ang tama at ayon sa batas na pamamaraan sa pag-aresto ng isang suspek. Hindi kami namamahiya rito. Inilalabas namin ang hubo’t hubad na katotohanan, mga iregularidad at kapalpakan ng may kapangyarihan. Mabukulan na ang dapat mabukulan lalo na ang mga hindi gumawa ng trabaho ng tama. Uploaded na sa Bitag Official YouTube Account ang unang bahagi ng sumbong na ito. Itaga niyo sa bato, tututukan ng BITAG ang kasong ito para sa hustisyang hinahanap ng pamilya ng biktima.

 

Show comments