(Part 7)
BAKIT ako nakakakita ng multo? Noong ako raw ay isinilang, kasabay ni Mama na nagsilang ng kanyang kuting ang alaga naming pusa. Sa bahay inabot ng panganganak ang aking ina. Hindi na raw naitakbo sa ospital si Mama dahil namimilipit na ito sa sakit ng tiyan. Pinahiga siya ng aking Lola at ito na ang nagpaanak. Wala raw kahirap-hirap si Mama sa pag-ire sa akin. Lumabas daw kaagad ako kaya’t nakaligtas ang aking mga magulang sa malaking bayarin sana sa ospital.
Sa isang sulok ng kuwarto na abot tanaw ni Lola ay nanganganak naman ang kanyang alagang pusa. Kaya’t nakatitiyak si Lola na magkasabay kami ng kuting na inilabas ng aming kanya-kanyang ina.
“Naku, magiging lapitin ng multo iyang anak mo!” ang tangi raw na nasambit ni Lola sa aking ina.
Lapitin ng multo o labasin ng multo. Iyon daw ang epekto kapag may kasabay kang ipinanganak na hayop. Kaya’t nang malaman kong multo na lang pala si Laura sa school bus ay hindi na ako nagulat dahil pangkaraniwan na lang itong pangyayari sa aking buhay.
(Itutuloy)