MARAMING pangarap si Laura na gumuho dahil lamang sa isang aksidenteng kasalanan ng dalawang makukulit na ka-service niya sa school bus. Nang mangyari ang aksidente ay malapit nang matapos ang school year. Nai-announced na ng school na siya ang first honor. Ilang araw na lang at gaganapin na ang recognition day kung saan aakyat siya sa stage at sasabitan ng medalya ng kanyang ama at ina. Pero hindi na niya iyon naranasan dahil namatay na siya.
Nakadagdag pa sa galit ni Laura ay ang pagkaunsiyami ng kanyang pangarap mag-artista. Magsisimula na sana siyang mag-summer acting workshop sa ilalim ng isang film production matapos siyang makapasa sa isang audition. Ang galit na ito at hindi niya pagtanggap sa maaga niyang kamatayan, ang sa palagay niya ang dahilan kung bakit hindi siya makatawid sa kabilang buhay. Ang resulta ay pagkakulong ng kanyang espiritu sa school bus.
“Pero gusto mo nang makatawid sa kabilang buhay?” tanong ko minsan kay Laura
“Oo, pagod na ako. Gusto ko nang makarating sa lugar kung saan talaga ako nararapat pero hindi ko alam kung paano…sana tulungan mo ako”
Nakikiusap ang kanyang mga mata. Nagmamakaawa. Ano ang gagawin ko? Paano ko siya tutulungan? Minsan ay nakakuwentuhan ko ang bus driver.
“Kuya matagal ka nang nagmamaneho ng bus na ito?”
“Oo noon pang 1985 hanggang ngayong 1990. Tatay ko ang original na driver dito simula noong 1980 pero nirarayuma na kaya ako ang humalili.”
“Narinig ko kasi sa mga ka-service ko na may nagmumulto raw dito sa bus”
“Urban legend lang ‘yun. Wala naman akong nararamdaman. Nagkaroon ng ganyang kuwento simula nang namatay noong 1982 ang isang estudyante na aksidenteng nasaksak ng kanyang ka-service.”
“Laura ang pangalan?”
“Oo. Si Laura. Naging usap-usapan ang ginawa sa bangkay ng batang iyon. Hindi kasi siya inilibing sa sementeryo ng kanyang mga magulang.”
“Saan ho inilibing?”
“Sa loob lang ng bakuran nila sa ilalim ng puno”
“Bakit ho ganoon?”
“Iba ang ispiritwal na paniniwala ng kanyang mga magulang.”
(Itutuloy)