TAPOS na ang 60-araw na ibinigay ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa local government units (LGUs) para alisin o linisin ang mga sagabal sa kalsada. Ang direktiba ng DILG sa mga mayor at barangay executives ay nagmula naman sa utos ni President Duterte. Na-inspired ang Presidente sa ginawa ni Manila mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na paglilinis sa Divisoria, Recto, Echague, Quiapo at iba pang masisikip na lugar kaya ipinag-utos ang pag-aalis sa lahat nang obstructions. Kung nagawa sa Maynila, magagawa rin ito sa buong bansa.
Banta ng DILG sa mga mayor na hindi naisagawa ang paglilinis sa mga sagabal, sususpendihin sila. Wala umano silang magagawa kapag hindi tinupad ng mga mayor ang direktiba. Ipapataw nila ang parusa sa mga mayor na nagpabaya. Sa kasalukuyan, maraming lungsod sa Metro Manila ang nakasunod sa utos ng DILG. Patuloy ang paglilinis sa Maynila at hindi na nakabalik ang mga vendor sa kalsada. Wala na ring mga naka-park na sasakyan sa mga pangunahing kalsada. Inalis ang mga istruktura na sagabal sa kalsada. Maski ang mga barangay hall at presinto ng pulis na sinakop ang kalsada ay giniba.
Malinis na rin sa obstructions ang Quezon City. Ang mga kalsadang inokupa ng vendors ay malinis na malinis na ngayon at maayos na nakakadaan ang mga tao at sasakyan. Pati ang mga nakaparadang sasakyan ay inalis din. Giniba rin ang mga tindahan na nasa sidewalk kaya nakapaglalakad na rito ang mga tao at wala nang iniiwasang mga nagtitinda.
Hanggang kailan ang magandang tanawin na ito? Hanggang kailan walang vendor sa kalsada? Hanggang kailan walang nakaparadang sasakyan sa gilid ng kalsada? Forever na ba ito?
Maipatutupad ito hanggang kung may political will ang mga namumuno sa lungsod. Magagawa ito nang maayos kung hindi magniningas-kugon. Kailangang ituluy-tuloy ang mga nasimulang pagbabago para maisaayos at mapaganda ang bayan. Itodo pa ang pag-aalis sa mga sagabal!