Ano ang ibig sabihin ng ‘double jeopardy’?
Dear Atty.,
Sinampahan ako ng kasong estafa ng aking dating kaibigan dahil sa hindi ko raw pagbabayad ng utang. Wala naman pong basehan ang kanyang reklamo kaya sa piskalya pa lang ay na-dismiss na po kaagad ang kaso.
Ngayon po ay sinampahan naman niya ako ng BP 22 na kaso base sa mga kaparehong alegasyon sa na-dismiss na estafa case. Hindi po ba pangha-harass na ito? Tama po ba ang nakapagsabi sa akin na dapat daw ay i-dismiss din kaagad ang kaso dahil double jeopardy na raw na maituturing ang pagsasampa ng pangalawang kaso na ito laban sa akin?
Arman
Dear Arman,
Nakapaloob sa ating Saligang Batas ang karapatan laban sa double jeopardy. Ayon sa Section 21, Article III ng 1987 Constitution, hindi maaring manganib sa posibleng kaparusahan ang isang tao ng pangalawang beses para sa iisang paglabag sa batas.
Kung naparusahan na o naabsuwelto na ang isang tao para sa isang paglabag, magiging hadlang na ito para sa muling pag-uusig sa kanya para sa kaparehong paglabag. Inilagay ito sa ating Bill of Rights bilang proteksiyon sa walang katapusang pagsasampa ng kaso.
Ang tanong ngayon ay masasabi bang nalabag ang karapatan mo laban sa double jeopardy sa pagsasampa sa iyo ng BP 22 gayong may nauna nang na-dismiss na estafa case laban sa iyo base sa mga kaparehong alegasyon?
Ayon sa kaso ng People v. Reyes (G.R. Nos. 101127-31, November 18, 1993, 228 SCRA 13), hindi ito double jeopardy dahil magkaiba ang elemento ng krimen ng estafa at BP 22. Hindi angkop ang double jeopardy sa kaso mo dahil iba namang paglabag sa batas ang estafa mula sa BP 22 kahit pa ang mga alegasyon sa dalawang reklamo ay magkapareho. Ang ipinagbabawal ay ang pag-uusig ng ikalawang beses para sa iisang offense o paglabag sa batas.
Hindi rin masasabi na double jeopardy ang sitwasyon mo dahil sa piskalya pa lang ay na-dismiss na ang una mong kaso. Ayon sa Canceran v. People (G.R. No. 206442, July 01, 2015) ay magkakaroon lamang ng double jeopardy kapag naisampa na sa husgado ang kaso at pagkatapos ng arraignment ay na-dismiss ito ng hindi dahil sa kagagawan ng akusado. Sa iyong kaso ay ni hindi nga nakarating sa husgado ang kasong estafa laban sa iyo kaya hindi maaring sabihin na may double jeopardy sa pagsasampa sa iyo ng BP 22 na reklamo.
Sana’y nasagot ko ang iyong katanungan. Paalala lamang na ang payong legal na nakasaad dito ay partikular lamang sa inilahad ng sumulat at maaring hindi ito maging angkop sa ibang sitwasyon.
- Latest