EDITORYAL - Balak na ATM fee increase: panghoholdap!
BALAK itaas ng 50 percent ang transaction fees sa automated teller machines (ATM). Kapag nangyari ito, mistulang naholdap ang mga magwi-withdraw at magba-balance inquiry. Kapag itinaas, ang dating P10 na transaction fee para sa single withdrawal, magiging P20 na at ang balance inquiry na P1 ay magiging P2.
Ang tiyak na mapupuruhan sa pagtataas ang mga kakaunti ang sinusuweldo at wini-withdraw sa ATM. Karamihan pa naman ngayon sa mga nagtatrabaho sa factory o maski ang mga “endo” ay naka-ATM na rin kaya malaki ang mababawas sa kanilang kakarampot na suweldo. Mas mabuti pa kung huwag na lang idaan sa ATM ang suweldo at ilagay na lang sa sobre gaya ng nakagawian. Sa balak na increase, ang kikita lang dito ay ang mga banko sapagkat bawat pagwi-withdraw, kaltas agad ang P20. Mistulang naholdap talaga!
Sabi ng Department of Trade and Industry (DTI), tututulan nila ang balak na pagtataas ng ATM fee. Ayon kay Trade Sec. Ramon Lopez, hindi dapat ipasa sa customers ang adjustment. Hindi aniya makatwiran ang balak na ito.
Sabi naman ng grupong Partido ng Manggagawa (PM), mistulang “highway robbery” ang gagawin ng mga banko sapagkat makakaltasan pa ang kakarampot na kinikita ng mga minimum wage earners. Sa withdrawal fee na lang anila mapupunta ang kinikita ng mga manggagawang kakarampot ang kinikita. Mababawasan pa ang iuuwi sa pamilya.
Ang balak na pagtataas ng ATM fees ay lumutang makaraang alisin ng Bangko Sentral ng Pilipinas ang anim na taong moratorium sa dagdag na singil. Nararapat namang makialam ang mga mambabatas at masusi nilang rebyuhin at busisiin ito. Ang mga mambabatas lamang ang makapipigil sa balak ng mga banko na itaas ang ATM fees.
Kailangan din ang pagkilos ng BSP mismo sapagkat sila ang nag-aapruba sa anumang pagtataas na gagawin ng mga banko. Pangunahan nila ang “pagpatay” sa balak.
- Latest