Silang mga tapat, na dapat kilalanin, dapat na tularan
Sa pagkakataong ito ay nais kong bigyang pugay ang matatapat na mga manggagawa sa paliparan dahil sa kanilang katapatan.
Kung ang ilang matataas na opisyal sa pamahalaan ang nasasangkot sa mga kontrobersiya ng katiwalian lalo na ng korapsyon, maraming maliliit na manggagawa ang hindi nabibigyan nang pansin sa kabila ng kanilang dedikasyon at matapat na pagtupad. Madalang mabalita ang mga ito o nabibigyan ng sapat na oras sa mga balita.
Sila ang dapat na nabibigyan ng kahit kaunting oras at pagkilala dahil sa kabila ng kanilang katayuan sa buhay, hindi nagpapasilaw sa anumang halaga kundi ang makikita ay ang kanilang katapatan.
Kung naging kontrobersiya ang mga sinasabing ‘tanim-bala’ at ilan umanong ‘kotongan’ sa ilang paliparan na madalas nga siyang nahe-headline at pangunahing balita, bakit hindi rin naman bigyan ng kaukulang espasyo o panahon ang mga tapat na tauhan dito.
Kamakailan lamang isang janitor ang sinasabing nakakita sa naiwang bag ng isang dumating na pasahero sa comfort room sa NAIA Terminal 1.
Bagamat isang pasahero rin ang nagturo sa janitor na si Sixto Brillante Jr tungkol sa bag agad niya itong inireport sa mga kinauukulan.
Naglalaman ang bag ng nasa P.5 milyong cash ang mga mahahalagang kagamitan.
Naibalik ito sa isang dayuhang Turkish matapos na sumailalim sa beripikasyon.
Kamakailan din ay naibalik sa isang dumating na pasahero ang nahulog niyang wallet sa sahig sa arrival lobby ng terminal 1 ng NAIA.
Isang Josephine Pagoyo ang nakapulot sa wallet na agad namang ipnagbigay alam sa security guard na si Michael Pascual na siyang nag-turn over sa lost and found section sa nasabing terminal.
Pinagsikapan ng lost and found section dito na ma-trace ang pangalan sa ID na nakuha sa wallet para maibalik ito sa kanya.Hanggang sa matunton ito sa Facebook at matapos ang beripikasyon naibalik ang wallet sa may-ari.
Ang wallet ay naglalaman ng US$2,000 cash at 30,000 pesos.
Ilang buwan na rin ang nakalipas isang janitor din sa Terminal 1 sa katauhan ni Elena Abreo ang nagbalik din sa naiwang backpack ng isang umuwing OFW na naglalaman ng P100K. Isa pa dyan ang janitor din na si Jeffrey Almoguerra na nakatagpo sa isang envelope na naglalaman ng US dollar bills sa NAIA Terminal 1.
Ang ganitong mga katapatan ay talaga namang kapuri-puri, walang halong interes. Marapat na maging ehemplo hindi lang sa kanilang mga kasamahan kundi lalu na sa mga matataas na opisyal at tauhan sa pamahalaan.
Saludo po kami sa inyo,maging sa iba pang hindi na naming nabanggit sa isyu na ito.
- Latest