19-anyos, winasak ang world record ni Michael Phelps sa swimming

MATAPOS ang 18 taon, hindi na si Michael Phelps ang world record holder para sa 200m butterfly.

Hawak na ito ngayon ng 19-year-old Hungarian na si Kristof Milak matapos niyang pahangain ang lahat sa kanyang naging paglangoy sa FINA world championships na ginanap sa South Korea noong Miyerkules.

Nakapagtala siya ng swimming time na 1:50.73 — na mas mabilis sa world record ni Phelps ng .78 segundo, ayon sa Olympic Channel.

Unang nakapagtala si Phelps ng world record noong 2001 sa edad na 15, nang siya ang naging pinakabatang lalaking swimmer na magkamit ng world record. Simula noon ay pitong beses niyang winasak ang sarili niyang world record. Ang pinakahuli ay noong 2009 sa Rome nang makapagtala siya ng oras na 1:51.51.

Binasag ni Milak ang world record na ito nitong Miyerkules nang mag-first place siya at lamangan ng tatlong segundo ang pinakamalapit niyang katunggali na si Daiya Seto ng Japan.

Sa ngayon, hawak pa rin ni Michael Phelps ang world record para sa 100 meter butterfly na naitala niya noong 2009 at para sa 400m individual medley na naitala niya noong 2008.

 

Show comments