There are always two sides no matter how thin the slice is. Napakahalaga para sa BITAG Investigative Team ng kasabihang ito. Kaya ang adbokasiya naming “Aksiyon Ora Mismo” sa bawat reklamo, agad na nareresolba ang mga sumbong. Kahit sabihin pa ng mga inirereklamo na siga kami sa pagbisita sa kanilang balwarte, wala akong pakialam dahil ganito ang patas na im-bestigasyon ng BITAG.
Itong isang kaso, matatawa’t mapapailing ka na lang dahil sa resulta ng imbestigasyon. Pagkatapos kasing magreklamo ng isang ginang sa aking tanggapan, kinuyog siya sa barangay. Nahihirapang magsalita dahil na-stroke na ang ginang na nagrereklamo.
Ang kanya umanong mga kapitbahay, pinagtulungan siyang ipasara ang tindahang tangi niyang pinagkakakitaan. Kaawa-awang ginang, stroke patient na nga ay inaapi pa ng mga nasa komunidad imbes na tulungan. Sarap pagtatadyakan sa lalamunan ang mga gumagawa nito.
Ora mismo, nagpalakad ako ng Strike Team sa Bgy. Payatas, Quezon City para kumpirmahin ang sumbong ng ginang. Ang misyon, matigil ang pang-aabusong ginagawa sa biktima. Sa kalye ng Pampanga St. sa Payatas dating nakatayo ang tulugan at tindahan ng Ale. Yari lamang sa pinagtagpi-tagping yero, kahoy at trapal na nakatayo sa ilalim pa mismo ng poste ng kuryente.
Ayon sa barangay, binaklas nila ito dahil sa mga reklamong natanggap nila mula sa mga kapitbahay ng ginang. Bukod sa walang pahintulot ay delikado umano ang lugar na kinalalagyan ng ginang. Mabilis kumalat ang balita, nalaman ng mga kapitbahay na nasa lugar ang aming grupo at nang malamang sila ang nirereklamo ng ginang, sila mismo ang pumunta sa barangay.
Mala-kuyog ang estilo ng mga kapitbahay ng nagrereklamong ginang. Inulan siya ng reklamo. Nagulat ang BITAG nang makipagbangayan ang ginang sa kanyang mga kapitbahay, dire-diretso na itong magsalita! Wala nang bakas na ito ay na-stroke o nagkasakit nang malubha. Ang totoong istorya, Inawardan pala si Aling Marichu ng bahay at lupa mula sa National Housing Authority (NHA) ngunit ibinenta nila ito. Ang ending, kaya wala silang permanenteng tirahan.
Ayon kay Kap. Manny Guarin, masyadong dugyot at nanggugulo ang ginang sa komunidad kaya siya inireklamo. Dumudumi ang ginang sa kalye at naninigaw sa mga taong dumadaan. Hindi na raw kaaya-aya para mapanatili ang kalinisan at kaayusan sa komunidad. Bastos din daw ang ginang, ayon sa pinuno ng Community Service Brigade ng Bgy. Payatas. Minsang dinalaw niya raw ito pero binato nito ang Bibliyang dala-dala niya.
Sa gitna ng bangayan at awayan, namagitan ang BITAG. Naipaunawa sa nagrereklamong hindi na siya puwedeng magtinda sa dating puwesto. Nagkasundo rin sila ng kanyang mga kapitbahay na titigilan na nila ang pambu-bully sa isa’t isa. Nangako rin ang Bgy. Payatas na tutulungang makahanap ng mauupahan pati na rin hanapbuhay ang kolokay na ginang. Sa mga bonggang sumbungerang tulad ng aleng ito, panoorin ang video na uploaded sa aming Youtube Channel, Bitag Official!