PANSAMANTALA munang itinigil ang karera ng mga kabayo sa isang race track sa Washington at sa halip ay pawang mga dinosaur muna ang pinatakbo sa paikot nito.
Higit 30 kasi ang nagsuot ng tyrannosaurus rex na costume at nagpabilisan sa pagtakbo paikot ng racetrack sa Auburn, Washington.
Dahil sa nakatutuwang itsura ng mga nagtatakbuhang dinosaur ay agad nag-viral ang video ng karera, na mayroon na kaagad 20 million views matapos itong i-upload sa Facebook noong Hulyo 6.
Ito na ang ikatlong taon na idinaos ang karera. Inoorganisa ito ng isang lokal na pest control company.
Ayon sa presidente ng kompanya, sa sobrang patok ng event ay marami na raw nagtatanong sa kanya kung paano lumahok sa karera kahit na hindi naman ito bukas sa publiko at pulos mga empleyado lang nila ang mga nakasuot sa mga t-rex costumes.
Mas nakakatuwa pa ang karera dahil ayon sa isang pag-aaral noong 2017 na isinagawa ng University of Manchester, wala naman palang kakayahang tumakbo ang mga t-rex, taliwas sa napapanood sa pelikula at telebisyon.