NAKAKA-SHOCK ang sinabi ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na may nagsusuhol sa kanya ng P5 milyon bawat araw huwag lamang pakialaman ang mga vendor at iba pang illegal sa lungsod. Malaking pera ito. Mahirap bilangin ang total sa loob ng isang taon. Kung tatlong taon ang termino ni Isko, mas lalo nang mahirap bilangin dahil sangkaterbang pera ito.
Ang isinagot ni Isko sa nagsusuhol ay ang pagpapaalis sa mga illegal vendor sa Divisoria at Carriedo. Biglang nawalis ang mga vendor sa Divisoria at maraming namangha sapagkat mayroon palang anim na lane na kalsada sa Divisoria. Kahapon, muling isinagawa ang pagpapalayas sa mga vendor na nagtatangkang bumalik. Pinayagan naman silang magtinda mula sa alas siyete ng gabi hanggang alas singko ng umaga. Kailangan din na may mga dalang sako ang vendors para lagyan ng sarili nilang basura. Tambak ang basura na kanilang iniiwan at nakadidiri ang paligid ng Divisoria.
Malinis na rin ang Carriedo, Gonzalo Puyat (dating Raon) at Paterno Sts. sa mga sasakyang nakaparada at vendors. Wala na ring mga sasakyang nakaparada sa Quezon Blvd. malapit sa simbahan ng Quiapo. At wala na rin ang mga nangongotong na MTPB enforcers doon. Mabilis na ang biyahe dahil wala nang mga nakahambalang na sasakyan.
Kamakalawa, maraming dinurog na video karera machines si Isko sa Manila City Hall quadrangle. Karamihan sa mga nalululong sa VK ay mga estudyante. Ang kanilang baon na pera ay napupunta lamang sa VK. Ayaw ni Isko na masira ang kinabukasan ng mga kabataan.
Sana, hindi ningas-kugon ang nangyayaring ito sa Maynila. Sana, hindi ito pang-isang buwan lang na kampanya kundi pangmatagalan. Sana, ang nagtangkang manuhol kay Isko ng P5 milyon ay dinakip para natapos na ang kanyang kabuhungan.
Marami pa raw ipakikitang pagbabago sa Maynila si Isko at marami ang nangangarap na sana ay maisakatuparan ito at forever na.