GINAMIT na palusot ng isang teenager sa Canada na nahuli sa salang overspeeding ang kinain niyang chicken wings.
Pinara ng Royal Canadian Mounted Police ang 16-anyos na driver ng Chevrolet Camaro dahil sa bilis ng takbo nito na nasa 170 kilometro kada oras.
Nang kuwestiyunin kung bakit napakabilis ng kanyang takbo ay nagdahilan ang binatilyo na kailangan na kailangan na raw niya kasing gumamit ng banyo matapos na maparami ang kinain niyang maanghang na chicken wings.
Hindi naman lumusot sa mga pulis ang dahilan ng driver, na pinagmulta pa rin ng CAN$966 (katumbas ng P38,000) para sa overspeeding at CAN$203 (katumbas ng P8,000) para sa pagmamaneho ng walang patnubay.
Dagdag pa ng pulis sa kanilang Facebook post ukol sa insidente na walang sapat na dahilan sa bilis na tinakbo ng driver.