Hindi na kailangang operahin eye drops na gamot sa katarata, natuklasan
ANG katarata ay ang paglabo ng lens ng mata at nagiging dahilan ng pagkabulag. Maraming kaso ng katarata sa buong mundo. Nagagamot ang katarata sa pamamagitan ng pag-opera sa mata ngunit magastos ito at nangangailangan ng husay ng isang espesyalista. Kaya naman hindi madali para sa mahihirap na bansa na masolusyonan ang problemang ito sa mata.
Ngunit sa tulong ng isang pagsasaliksik mula sa California, maaring masugpo na ang katarata nang hindi gumagastos ng malaki sa ospital. Nakaimbento ang mga researchers sa University of California-San Diego ng isang eye drop na maaring tumunaw ng katarata at hindi na kailangan pang operahin.
Pinag-aralan ni Professor Kang Zhang at ng kanyang research team ang dahilan ng pagkakaroon ng katarata. Napag-alaman nila mula sa pag-aaral na isa sa mga sanhi nito ay ang pagkakaroon ng diperensiya sa lanosterol ng mata. Ang lanosterol ang pumipigil sa pamumuo ng protina sa mata, kaya nagkakaroon ng katarata ang isang tao kapag may diperensiya ito.
Naisip ni Professor Zhang at ng kanyang grupo na gumawa ng isang eye drop mula sa lanosterol na ipapatak sa matang may katarata upang matunaw ang protinang sanhi ng pagkalabo ng mata.
Sinubukan nila ito sa mga kuneho at asong may katarata at hindi nga sila nagkamali ayon sa naging resulta ng kanilang mga eksperimento. Nabawasan ang katarata sa mata ng mga hayop at luminaw ang lens ng mga ito.
Bagama’t hindi pa ito nasusubukan sa tao at mas epektibo pa rin ang surgery, inaasahang magkakaroon ng mahalagang papel ang eye drops na natuklasan nila Professor Zhang sa pagsugpo ng katarata lalo na sa mga bansang walang sapat na yaman para maipaopera ang kanilang mamamayang nabubulag dahil sa katarata.
- Latest