SI Mely ay matandang dalaga kaya ang kanyang pagmamahal ay ibinuhos na lang niya sa kanyang pinakamamahal at mamahaling Siamese cat. Mag-isa siyang namumuhay kaya nang kailanganing magpunta siya sa abroad para sa isang important business meeting ay napilitan siyang ibilin ang alagang pusa sa kanyang kaisa-isang kapatid na si Chel. Hindi mahilig sa hayop si Chel pero ayaw naman nitong magtampo ang kapatid dahil ito ang nagpapaaral sa kanyang anak kaya napilitan itong mag-baby sit sa sosyal na pusa.
Kulang sa kakayahan at kaalaman si Chel sa pag-aalaga ng pusa kaya nang magkasakit ito ay huli na nang kanya itong dalhin sa beterinaryo. Ang pusa ay namatay. Agad siyang tumawag sa kapatid:
“Ate ang pusa mo namatay kanina.”
“Anoooo?” hindi na napigilan ni Mely ang damdamin at umambungal na ito ng iyak. Ilang segundo ang nagdaan at saka muli itong nagsalita. “Uuwi na ako bukas at saka tayo mag-usap. Ipa-embalsamo mo ang pusa at ako ang magpapalibing diyan”.
Nang magkaharap ang magkapatid ay pinangaralan ni Mely ang nakababatang kapatid na sapul sa pagkabata ay may kahinaan ang ulo. Ito ang dahilan kaya hindi ito nakatapos sa pag-aaral.
“Napakasadista mong magbalita ng kamatayan ng aking pusa. Next time, unti-untiin mo ang pagbabalita. Huwag mong bibiglain. Mabuti na lamang at wala akong sakit sa puso. Sana bago mo sabihing namatay na ang pusa, ikukuwento mo muna na naglalaro siya sa salas. Hindi mo napansin na ito pala ay nakalabas ng bahay at nakatawid sa bubong ng kapitbahay. Hinabol siya ng pusang laog at inaway hanggang sa magkaroon ng malaking sugat sa leeg. Nagkasakit ito hanggang namatay.”
“Sorry Ate. Ang nasa isip ko kasi, pusa lang iyan. Hindi ko naisip na para nga palang anak ang turing mo kay Meyaw.”
“Si Mama nga pala…nasaan? Kanina pa ako dumating pero hindi nagpapakita sa akin.” Ang kanyang ina ay may Alzheimer’s disease.
“A, e, ate, naglalaro siya sa salas, biglang lumabas ng bahay…”
Hindi na natapos ni Chel ang sasabihin dahil hinimatay na si Mely.