Isang uri ng estafa ang pagkukunwari ng kakayahang magbayad

Dear Atty.,

Umutang ako sa banko upang makabili ng sasakyan ngunit hindi ko kinaya ang buwanang bayad kaya kinailangan ko rin itong ibenta matapos lang ang isang taon. Napagkasunduan namin ng bumili ng sasakyan na  babayaran niya ang kalahati ng aking naihulog at siya na ang magpapatuloy sa pagbabayad ng halagang inutang ko sa banko. Pumayag ako sa aming na-ging kasunduan dahil ipinakita naman niya  sa akin ang kanyang bank statement bilang patunay ng kanyang kakayahang makapagbayad.

Isang taon na simula nang kami ay magkabentahan at kamakailan lang ay tinawagan ako ng bankong aking inutangan upang sabihin na kailangan ko nang ibalik ang sasakyan dahil limang buwan ko na raw hindi nababayaran ang buwanang hulog para sa sasakyan.

Tinawagan ko ang pinagbentahan ko ng sasakyan ngunit hindi ko na siya makontak at hindi ko na rin siya mahagilap sa address na ibinigay niya sa akin. Sa kasamaang palad, mukhang kasama niyang naglaho ang sasakyang ibinenta ko sa kanya. Ano po ba ang kailangan kong gawin? -- Michael

Dear Michael,

Unang una, kung hindi ka naman binigyan ng pahintulot ng banko na ikaw ay palitan ng ibang tao sa pagbabayad ng iyong car loan, ikaw pa rin ang kanilang hahabulin kahit pa naibenta mo na ang sasakyan sa iba. Kaya sa kabila ng iyong naging kasunduan sa bumili ng iyong sasakyan ay tama lang na ikaw ang pa rin ang sisingilin nila para sa buwanang hulog at sa anumang penalty na maari nilang ipataw dahil sa limang buwang hindi mo pagbabayad.

Walang kinalaman ang banko sa kasunduang iyong pinasok sa pagbebenta ng sasakyan kaya ikaw dapat ang humabol sa iyong napagbentahan upang hilingin sa kanya na sumunod sa inyong naging kontrata o kung hindi na niya kayang magbayad ay ibalik ang sasakyang kanyang binili sa iyo.

Kung hindi pa rin siya susunod sa inyong naging napagkasunduan ay maari kang magsampa ng kasong sibil base sa inyong naging kontrata. Maari ka ring magsampa ng kasong estafa base sa Article 315, paragraph 2(a) ng ating Revised Penal Code, na nagpaparusa sa sinumang nagkunwari o nagpanggap upang makumbinsi ang ibang tao na ibigay ang kanilang pera o ari-arian.

Kung sakaling magpasya kang magsampa ng estafa laban sa pinagbentahan mo ng sasakyan ay mahalaga na mapatunayan mo na umasa at nagtiwala ka sa kanya base sa ipinakita niyang kakayahan na mabayaran ang buwanang hulog ng iyong sasakyan. Alinsunod ito sa kaso ng People v. Rodolfo Gallo (GR No. 187730, 29 June 2010) kung saan sinabi ng Korte Suprema na kailangang ang pagkukunwari o pagpapanggap ang pangunahing dahilan kung bakit ibinigay ng nagrereklamo ang kanyang pera o ari-arian sa akusado upang ma-convict ito sa kasong estafa.

Nawa’y nasagot ko ng lubos ang iyong katanungan. Paalala lamang na ang payong legal na nakasaad dito ay base lamang sa mga impormasyong iyong inilahad kaya maaring mag-iba ito sakaling may ilang mahahalagang bagay ka na  hindi nabanggit.

 

 

Show comments