Sino ang mga dapat iboto?
SA Bibliya, nasusulat sa Deuteronomio 17:14-20 ang batayan ng Israelites sa pagpili ng kanilang hari. Maaari nating gamitin ito na batayan sa pagpili natin ng mga Senador at mga lokal na pinuno.
Walang binanggit dito na popularidad. Dito sa atin, ang eleksiyon ay nauuwi sa popularity contest; nagiging personality-centered, sa halip na issue-centered. Ang pangunahing basehan ay “winnability,” sa halip na “qualifications.”
Sa bawat eleksiyon, ang nakasalalay ay ang kinabukasan ng ating bansa. Bawat boto ay sagrado at dapat ay bunga ng malalim na pagsusuri at mataimtim na pananalangin. Ayon sa Deuteronomio 17:14-20, ang mga taong dapat iboto ay may mga sumusunod na katangian:
Kailangan ay kalahi. Sa ating konteksto, tunay ang pagka-Pilipino. Pilipinong nagmamalaki sa kanyang lahi at nagpapahalaga sa kapwa Pilipino. Pilipinong malinaw na naninindigan sa mga sumusunod na isyu: Justice issues—siya ba’y makatarungan? Ano ang mga programa niyang magbibigay ng pantay na pagkakataon sa lahat? Peace issues—siya ba’y mapagmahal sa kapayapaan? Ecology and environmental issues—ano ang paninindigan niya sa pangangalaga sa kapaligiran?
Hindi dapat maraming kabayo. Sa Bibliya, ang kabayo ay sumasagisag sa kayamanan at kapangyarihan. Hindi naman sinabing ang dapat na iboto ay ‘yung walang kabayo. Magastos ang eleksyon dito sa atin at imposibleng tumakbo ang isang walang kapera-pera. Gayunman, pinag-iingat tayo doon sa mga taong napakaraming pera. Sapagkat baka ang gusto lamang ay mapangalagaan ang sariling interest. Baka ang gusto lamang ay kapangyarihan at wala naman talagang hangaring maging tagapaglingkod.
Hindi dapat maraming asawa. Ito’y isyu ng moralidad. Dapat ay may “moral ascendancy” ang kandidato. Kailangan siyang maging modelo ng malinis na pamumuhay. Kailangan siyang sumagisag sa pinakamabuting Pilipino.
Hindi dapat nagpayaman sa panahon ng panunungkulan. Ang iboboto mo ba’y hindi nasangkot sa anumang anumalya? Hindi ba siya nagnakaw ng pera ng bayan? Ang dapat mong iboto ay ‘yong marunong mahiya, may delikadesa, may prinsipyo at itinuturing ang kanyang dangal na siya niyang buhay. Sabi nga ni Shakespeare, “Mine honor is my life.”
Kailangang mabuting halimbawa sa pagsunod sa batas. Siya ba’y masunurin sa batas at makapagpapatupad ng tamang disiplina? Hindi ba siya nasangkot sa anumang karahasan at pagbali sa itinatadhana ng batas?
Kailangang may takot sa Diyos? Siya ba’y naniniwala sa makapangyarihang Diyos at gumagalang sa paniniwala ng iba’t ibang sekta?
Isang bata ang sinubukan ang isang matanda na kilala sa pagiging matalino. Humuli ang bata ng isang maliit na ibon. Habang hawak-hawak ay ipinasok niya ito sa kanyang bulsa. Pagkatapos ay lumapit siya sa matanda at tinanong, “Ang ibon po bang nasa aking bulsa ay buhay o patay?” Ang balak ng bata ay ito: kapag sinabi ng matanda na ang ibon ay buhay, pipisilin niya ito hanggang sa mamatay. Kapag sinabi ng matanda na ang ibon ay patay, pakakawalan niya ito. Gayon na lamang ang pagkabigla ng bata sa sagot ng matanda: “Amang, ang buhay ng ibong ‘yan ay nakasalalay sa iyong kamay.”
Ang buhay ng ating bansa ay nakasalalay sa iyong mga kamay bilang botante. Napakalaki ng iyong pananagutan. Maaaring ito na ang huling pagkakataon sa pag-iral ng demokrasya sa ating bansa. Baka wala nang ikalawang pagkakataon. Bumoto ayon sa iyong konsensiya. Bumoto ayon sa Salita ng Diyos.
- Latest