Sa isinagawang campaign rally ng PDP-Laban sa Malabon City nasabi ni Pangulong Digong na nakahanda siyang ilantad o ilabas ang mga dokumento na naglalaman ng impormasyon sa pagkakasangkot sa illegal drug trade ng ilang tiwaling opisyal ng PNP.
Isa umano ito sa dahilan kung bakit matindi pa rin ang problema ng bansa sa ilegal na droga.
Hinihintay na rin ng pamunuan ng PNP ang nasabing drug matrix ng Pangulong Digong para umano ay kanilang maaksiyunan.
Ayon sa pamunuan ng command, hindi naman sila nagpapabaya na tugunan ito at sa katunayan umano tuluy-tuloy at walang patid ang isinasagawa nilang internal cleansing.
Sa kanilang report, simula noong 2016 hanggang sa kasalukuyan, mahigit sa 400 ng pulis ang nasibak sa puwesto dahil sa pagkakadawit sa iba-ibang ilegal na aktibidades.
Nasa 220 rito ang napatunayang gumagamit ng ilegal na droga at 119 ang dawit sa kahalintulad na kaso, tulad ng pagbebenta ng illegal drugs o ‘di kaya ay yaong nagbibigay proteksyon sa mga drug suspect.
Kung ganito na karami ang bilang ng mga awtoridad na dawit sa ganitong uri ng aktibidades na may konek sa ilegal na droga, mukhang tama si Pangulong Digong na mahihirapan o malayo pa talaga bago tuluyang mawakasan ang problema sa illegal drugs sa bansa.
Talagang nakakaalarma na kung sino pa ang dapat na magpatupad sa batas at mga kaayusan, ay siya pang pasaway na nadadawit sa mga paglabag at katiwalian.
Dapat sa mga ito ay kalusin nang husto, dapat matukoy lahat nang hindi na makahawa sa iba pa na mas lalong magpapalala sa problema.