TALAGA bang ang katapatan ay hindi mahalagang katangian na dapat taglayin ng isang kandidatong tumatakbo sa pagka-senador at iba pang posisyon sa darating na halalan? Ito ang iginiit ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio sa kasagsagan ng kontrobersiya tungkol sa diumano’y pekeng “school records” ni Ilocos Norte Gov. Imee Marcos. Ayon kay Imee, siya’y nagtapos sa Princeton University sa kursong “religion and politics,” ngunit itinanggi ng unibersidad na siya’y nagtapos doon. Itinanggi rin ng University of the Philippines na si Imee ay nagtapos sa UP, gaya ng kanyang ipinamamalita.
Ito ang pinanggalingan ng kontrobersya nang sabihin ni Sara na hindi isyu ang pagsisinungaling dahil lahat naman ay nagsisinungaling. Ang mahalaga raw ay ang kahusayan ng kandidato at hindi ang kanyang katapatan.
Ano ang mga puwede nating gawing konklusyon mula sa deklarasyong ito? Na lahat ng nasa gobyerno ay sinungaling? Na hindi baleng sinungaling ang isang opisyal ng gobyerno, basta siya’y magaling?
Winawasak ng deklarasyong ito ang “constitutional description” na “public service is a public trust.” Nakasalalay sa pagtitiwalang-publiko ang paglilingkod ng mga taong-gobyerno. Ang pagtitiwala ay bunga ng katapatan. Maaari mo bang pagtiwalaan ang isang taong napatunayan mong nagsinungaling sa maraming pagkakataon?
Sinabi ni Hesus sa Juan 8:32 na ang “katotohanan ang magpapalaya sa atin.” Ibig sabihin, habang nangingibabaw ang kasinungalingan, tayo’y nananatiling alipin. Ang mga black propagandists ay nanghahawakan sa katuwiran na ang kasinungalingang paulit-ulit na sinasabi sa malao’t madali ay siya nang tinatanggap na katotohanan. Ito ang kaisipang pinalaganap ng German propagandist na si Joseph Goebbels. Ayon sa kaisipang ito, ang mahalaga lang ay maging “consistent” sa pagsisinungaling. Pero ito ang problema: para pagtakpan ang isang kasinungalingan, kailangang mag-imbento ng katakut-takot na kasinungalingan, hanggang sa mabaon na ang isang nagsisinungaling sa kasinungalingan.
Tanging ang katotohanan ang makapagpapalaya sa atin sa pinagtahi-tahing kasinungalingan. Kabaligtaran ng kasinungalingan, ang katotohanan ay “consistent,” kahit pagbali-baliktarin, sapagkat hindi ito iniimbento lamang.
Ang isang taong tapat ay laging gagawa ng tama, may nakakakita man o wala. Ang isang taong sinungaling ay laging gagawa ng masama kung makakalusot at walang nakakakita. Ito ang pinakasimpleng depinisyon ng integridad, ang paggawa ng mabuti kahit walang nakakakita. Ang mga tradisyunal na pulitiko ay gumagawa ng mabuti kapag may nakakakita. Ngunit kapag walang nakakakita, magigimbal ka sa kanilang pinaggagagawa.
Napakahirap paniwalaan na hindi isyu ang katapatan sa darating na halalan. Napakahalagang katangian ito ng bawat kandidato. Mas magbabakasakali pa ako sa isang tapat, ngunit kulang pa sa kakayahan, kaysa sa isang makakayahan, ngunit kulang sa katapatan. Mas madaling ayusin ang kakayahan kaysa karakter.
Gayunman, ang pinakamabuti, kapag pipili ka ng kandidato, ang piliin mo’y ‘yong may tatlong K: Karakter, Katalagahan at Kakayahan. Importante ring may takot sa Diyos, sapagkat ang taong may takot sa Diyos ay laging magsasabi ng totoo dahil alam niya na walang naililihim sa Diyos.
Kaya talamak ang katiwalian sa gobyerno ay dahil sa paniniwala ng marami na hindi mahalaga ang katapatan sa pamamahala. Basta maraming nagagawa, hindi baleng sinungaling at magnanakaw.
Nasa iyo ang pagkakataon para baguhin ang umiiral na kalakarang ito sa pamamagitan ng pagpapahalaga mo sa katapatan. Una ay sa sarili mong katapatan. At pangalawa, sa katapatan ng kandidatong susuportahan mo.