MATAGAL na ang mga sumbong laban sa mga abusado at bastos na collection agencies ng mga loan at credit cards. May nasampulan na kami noon at may nasampulan kami ulit kamakailan lang.
Ang nagrereklamo, isang ginang na tinatakot na ipapakulong ng isang bisor ng collection agency dahil sa utang daw nito sa Cebuana Lhuillier.
Ang siste, hindi nangutang, nag-withdraw, o nagsanla man lang sa Cebuana si Misis. Ang kanyang tanging transaksiyon sa Cebuana, magpadala ng pera sa kaniyang ina.
Ganoon na lang ang pagkabahala ng ginang dahil sa walang humpay na panggugulo sa kaniya ng collection agency na ipinipilit ang kanyang pangungutang.
Nagpasa na siya ng mga dokumento’t patotoo na hindi siya ang nangutang. Pero itong patay gutom na collection agency, sige ang pananakot at panggugulo sa ginang.
May pananakot pang magsasampa ng kaso kung hindi babayaran ang inutang. Ayaw maniwalang posibleng ninakaw ang pagkakakilanlan ng nagrereklamo.
Nanghimasok ang BITAG dahil itong buwayang kolektor na kausap ng nagrereklamo, hindi man lang idaan sa tamang proseso ang paniningil. Basta makakubra, wala nang pakialam sa pobre.
Sa telepono, may gana pang magsalita ang bisor na may due process o may proseso ang pagpapatunay na ninakaw lang ang identidad ng ginang. Nasa pamunuan na raw ito ng Cebuana Lhuillier.
Ayun naman pala, o bakit panay ang pananakot at panggugulo niyo sa pobreng ginang? Gawain ng patay gutom ‘yan na gusto lang makakubra ng pera.
Kung mali man ang taong inaakusahan ng Cebuana Lhuillier, dapat patunayan nila ‘yan sa hukuman. May tamang proseso para r’yan.
Hindi ‘yung kung sino ang inaakusahan, siya pa ang magpapatunay sa sarili niya. Baluktot ‘yan na pang-unawa!
Para naman sa inaakusahan, walang dapat ikatakot. Depensahan niya ang kanyang sarili at sabihin ang katotohanang wala siyang kinalaman sa pangunugutang na binibintang sa kanya.
’Yan naman ang lagi kong payo sa inyo mga boss. Kung nasa panig kayo ng tama at katotohanan, walang dapat ikabahala sa proseso sa hukuman. Problema na ng nag-aakusa kung lumabas man na mali sila sa taong kanilang inaakusahan.
Kaya sa mga patay-gutom na kolektor diyan, siguraduhin niyong sumusunod kayo sa tamang proseso. ‘Di ‘yung habol kayo nang habol, ‘di naman pala kayo patas gumagamit pa kayo ng paninindak at pananakot.
Malas niyo eh lumapit sa pambansang sumbungan, kaya may katapat kayo sa pambubrusko!