KABI-KABILA ang police checkpoint. Sinisiguro na walang motoristang may dalang baril. Kadalasang mga naka-motorsiklo ang kanilang nirerekisa lalo na ang riding-in-tandem.
Pero sa kabila nang paghihigpit ng PNP, marami pa ring sibilyan ang nakakalusot at nagagamit sa krimen ang baril. Mayroong namamaril na lamang at tinatarget ang sinumang makita o makasalubong. Saan galing ang baril?
Katulad ng nangyari sa Bgy. Bagumbayan, Teresa, Rizal kamakalawa kung saan isang lalaki ang walang habas na namaril na ikinamatay ng tatlong tao at ikinasugat ng tatlong iba pa. Nakilala ang suspect na si John Albert Araojo na kaluluwas lang umano mula sa probinsiya. Namatay agad ang tatlo niyang biktima makaraang pagbabarilin. Habang tumatakas gamit ang motorsiklo, nasalubong niya ang dalawang rumespondeng pulis at pinagbabaril din niya. Malubhang nasugatan ang dalawang pulis. Nakatakas ang suspect at hindi pa nahuhuli.
Ang tanong ay kung paano nagkaroon ng baril ang suspect na galing pa sa Catanduanes. Bakit nadala niya sa Maynila ang baril sa kabila na may police checkpoint.
Kamakalawa, siyam na lalaki ang inaresto ng mga pulis nang walang habas na magpaputok ng baril habang nasa harap ng isang convenience store sa M. H. Del Pilar Street, Malate, Maynila. Hindi na natakot ang siyam sa kabila na may gun ban. Saan din galing ang kanilang baril?
Ipinagmamalaki ng PNP na nakaaresto na sila ng 1,153 katao mula nang magsimula ang gun ban. Mabuti naman. Paigtingin pa sana nila ang kampanya laban sa loose firearms. Manmanan din ang mga pulitikong may arsenal at nagmamantine ng private army. Delikado silang magsagupa ngayong nalalapit na ang election.