IKA-58th birthday ko ngayon. Two years pa ang hihintayin ko para mag-apply ng senior ID. Gusto ko nang maging senior dahil mas mabilis bigkasin ang “sixty” kaysa “fifty-eight” tuwing sasagutin ko ang katanungan kung ilang taon na ako. Sa salitang fifty-eight, nahihirapan ang dila ko na bigkasin ang dalawang “f” sa “fifty” kaya minsan ay nabibigkas ko ang “fifty” na “pifti” or “pipti”. O, kaya ay kailangan pang tumalsik-talsik ang aking laway para maging correct ang pagbigkas. Dalawang taon ko pang poproblemahin ang pagbigkas ng aking edad.
Gusto ko nang maging senior para lagi akong una sa pila. ‘Yung sitwasyon na walang senior lane sa isang grocery, ako na sana ang susunod para magbayad sa cashier pero may sumingit na isang senior sa pila. Doble ang dami ng kanyang pinamili kaysa akin kaya nadagdagan ang oras ng aking paghihintay. Dapat sana ay nasa bahay na ako at nagsisimula nang magluto pero dahil sa pagbibigay galang sa mga seniors, magtitiis kang maghintay ng another minutes.
Narito ang ilang bagay na natutuhan ko pagkaraan ng fifty-eight years:
1. Aksaya lang ng oras ang pagwo-worry. At madalas, ang mga bagay na kinatatakutan nating mangyari ay hindi nangyayari.
2. Ang taong mahilig mangutang ay kadalasang balasubas.
3. Impiyerno ang magkaroon ng credit card.
4. Huwag mainsulto kapag tricycle drivers, tindero ng balot, tindera sa palengke, jeepney drivers, pulubi, basurero ang tumawag sa iyo ng “nanay”. Anyway, ano namang alam nila sa pag-psychologize ng mga taong nasa paligid nila, lalo na sa pagtantiya ng edad?
5. Kapag mabait ang ina, ang mga anak niya ay lumalaking mababait at thoughtful.
6. Nami-miss ko araw-araw ang aking ama. Patuloy ko siyang mami-miss hanggang katapusan ng aking buhay.
7. Sa workplace, ang empleyadong sipsip sa mga bossing ay kadalasang hindi magaling sa kanilang trabaho at mahilig manira.
8. Mag-invest sa mga mapagkakatiwalaang anti-wrinkle cream. Totoong nakaka-delay ng kulubot ang mga ito.
9. Pizza lang ang bisyo ko sa buhay. Two slices lang ang nakokonsumo ko. Isang lipitor lang iyan para mag-worry sa fats. Life is too short para paghigpitan mo ang iyong sarili.
10. Kapag inuuna palang mahalin ang sarili, nagiging malalim ang pagmamahal na nadarama sa pamilya.