EDITORYAL - Itataas ang terminal fee

BALAK ng Manila International Airport Authority (MIAA) na itaas ang passenger terminal fee sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa susunod na taon. Mula sa dating P550 para sa international flights, gagawin na itong P750 at para naman sa domestic flights, mula P200 terminal fee gagawin nang P300. Ayon sa MIAA, ipapatupad nila ang pagtataas ng fees sa Abril 2019.
Sinuportahan ng Department of Tourism (DOT) ang balak ng MIAA na pagtataas ng terminal fee. Malaki raw ang maitutulong nito sa pagpapanatili ng seguridad at kaligtasan sa mga paalis at parating na pasaherong aalis. Makakatulong din umano ito sa pagpapaunlad ng inprastruktura at pagpapaganda ng serbisyo. Malaki ang magagawa ng balak na pagtataas at dapat daw suportahan.
Pero maraming kuwestiyon sa balak na ito ng MIAA. Kung ang pagtataas ng terminal fee ay para sa seguridad at kaligtasan ng mga pasahero, bakit nabigo ang MIAA na masaklolohan ang mga na-stranded na pasahero sa NAIA noong Agosto makaraang sumadsad ang Xiamen Airlines sa maputik na bahagi ng runway. Naparalisa ang operasyon sa NAIA sapagkat walang makababa at makaalis na eroplano dahil sa nakahambalang na Xiamen Airlines. Matagal bago naalis ang eroplano sa pagkakalubog sa putik.
Maraming nagutom na mga pasahero sa NAIA at wala agad mga personnel ng MIAA o NAIA na nagbigay man lang ng pagkain o nagbigay man lang ng abiso ukol sa mga nangyayari. Marami ang sumalampak na lamang sa malamig na sahig sa loob ng airport.
Nasaan na ang sinisingil na terminal fee at hindi agad marespondehan ang mga pasaherong nanga-ngailangan ng tulong sa ganoong sitwasyon? Nataranta ang mga personnel at hindi na naisip ang mga dapat gawin sa ganoong biglang pangyayari. Mabilis lang sumingil ng terminal fee pero wala namang naka-handang ayuda sa emergency situation.
Tutulan ang balak na pagtataas ng terminal fee. Maski si Sen. Grace Poe ay hindi pabor sa balak ng MIAA. Sabi ng senador, magandang serbisyo muna ang ipagkaloob bago ang paghingi ng karagdagang bayad sa terminal fee.
- Latest


















