EDITORYAL - ‘Anyare sa Marawi rehab?’

NAGALIT umano si President Duterte dahil sa atrasadong konstruksiyon at rehabilitasyon sa Marawi City. Isang taon na ang nakalilipas mula nang ideklara ng Presidente na liberated na ang Marawi sa kamay ng Maute pero hanggang ngayon, hindi pa makabalik ang mga residente sa kani-kanilang mga bahay. Paano’y wala pa nga silang babalikan dahil ilang beses nang napostponed ang ground breaking sa pagtatayo ng mga nasirang bahay. Kaya hanggang ngayong libong residente pa ang nasa mga shelters at evacuation centers. Isang taon na silang nagtitiis sa mga tirahan na karamihan ay nirereklamo ang kawalan ng tubig at kuryente.

Noong Martes, libong residente ang nagprotesta at nais na makapasok sa kani-kanilang mga bahay pero pinigilan sila ng mga sundalo. “Anyare sa Marawi?” nakasaad sa tarpaulin na hawak ng mga residente. Ilan ang sumisigaw na papasukin na sila at sila na mismo ang magsasaayos ng kanilang tirahan. Isang taon na raw silang nagtitiis sa mga shelter at hindi na nila kaya ang sitwasyon. Nasaan na raw ang pangakong tatapusin agad ang kanilang mga bahay. Nakalaya nga raw sila sa mga terorista pero sa kalagayan sa mga shelter ay nananatili pa rin silang nakakulong. Bakit hindi pa sinisimulan ang paggawa? Hanggang kailan daw sila maghihintay.

Ayon kay Presidential Spokeperson Salvador Panelo, nagalit ang Presidente dahil sa hindi pa ginagawang mga bahay. Pinasisiyasat na umano ng Presidente kung may nangyayaring “red tape” kaya hindi pa nasisimulan ang konstruksiyon. Bakit daw hindi matuluy-tuloy ang groundbreaking ceremony na ayon sa report ay nakakalimang postponed na. Ayon kay Panelo, nagsasagawa na ng imbestigasyon ukol dito.

Kahit naman nagpupumilit ang mga residente na makapasok sa Marawi para makita ang kanilang mga sirang bahay, mahigpit ang pagbabantay ng mga sundalo sapagkat marami pa umanong nakatanim na bomba. Hindi pa raw lubusang naki-clear.

Kawawa naman ang kalagayan ng mga residente. Sana naman bilisan ng Task Force Bangon Marawi ang pag-construct ng mga bahay para makalipat ang mga residente. Sobra na ang dinaranas nilang kalbaryo. Madaliin na ang paggawa para matapos na ang kanilang paghihirap.

 

Show comments