KAGAYA ng kinamulatan nating fairytale, si Sleeping Beauty ay nagising mula sa matagal na pagkakatulog dahil sa magic na halik ng prinsipe. Hindi lang pala sa fairytale puwedeng makapagpagising ang halik kundi sa totoong buhay.
Habang namimili sa isang mall sa England sina Andrew at Emma noong 2009, bigla na lang nawalan ng malay si Emma. Inatake siya sa puso. Nasa coma siya sa loob ng dalawang linggo.
Bago atakihin, kapapanganak lang nito sa kanilang bunsong lalaki. Ito marahil ang nag-trigger kaya lumala ang kondisyon ng kanyang puso. Habang nakaratay sa ospital si Emma, ipinaparinig ni Andrew ang recorded voice ng kanilang baby na umiiyak at boses ng kanilang panganay na babae na nagsasabing: Wake up Mommy!.
Isang araw, sa sobrang pagkadesperado na magising na ang kanyang mahal na asawa ay naibulong nito sa tenga ni Emma:
“Please, Mahal…halikan mo ako kung naririnig mo ako”
Gumalaw ang ulo ni Emma na nanatiling nakapikit. Iniharap nito ang mukha sa asawa. Tanda na iniuumang nito ang kanyang lips sa lips ni Andrew. Halos mabaliw sa tuwa si Andrew. May malay na ang kanyang Mahal. Narinig siya!
Naglapat ang labi ng mag-asawa. Hindi alam ni Andrew kung gaano katagal silang naghalikan bago iminulat ni Emma ang kanyang mga mata. Takbuhan ang doktor at mga nurses sa kuwarto ni Emma. Lahat ay nagtaka sa mga pangyayari. Sa kondisyon ni Emma na ang utak ay nagkulang sa oxygen, ang tingin ng mga doktor ay malabo na itong magkamalay. Ngunit bumalik ang malay nito pagkaraang halikan ng asawa. Pag-ibig nila sa isa’t isa ang gumising kay Emma. May magic ang halik ni Andrew kagaya ng halik ng Prinsipe na nagpagising kay Sleeping Beauty.