UMAABOT na sa 2.3 bilyong tao sa buong mundo ang mga lasenggo. Ito ay ayon sa isang ulat noong nakaraang linggo ng World Health Organization (WHO) na nagbunyag din na mahigit tatlong milyong lalaki ang namatay sa sobrang pag-inom ng alak noong 2016.
Hindi naman binanggit sa ulat kung paano nakuha ng WHO ang naturang datos at kung saan-saang bansa ito pero tinataya nito na lalakas at dadami pa ang mga kumukunsumo ng alak sa susunod na 10 taon. Hindi pa anila sapat ang mga kasalukuyang mga ipinapatupad na patakaran para makontrol ang maraming tao sa pag-inom ng alak.
Ayon pa sa naturang organisasyon, may 237 milyong lalake at 46 milyong babae sa mundo ang mayroong alcohol problem. Pinakamataas umano ang bilang nito sa Europe at America pero ang Europe ang may highest global per capita alcohol consumption kahit bumaba ito nang 10 porsiyento mula 2010.
Sabi pa sa ulat ng WHO, ikatlo ng mga pagkamatay na may kaugnayan sa alak ay resulta ng mga pinsala sa katawan tulad ng sa mga sasakyang nababangga o pananakit sa sarili habang one in five ay dahil sa sakit sa tiyan o puso. Sinisisi rin ang kanser, infectious dieseases, mental disorder at iba pang problemang pangkalusugan.
Pinuna pa ng WHO na napakaraming tao, kanilang mga pamilya at komunidad ang nagdurusa sa implikasyon ng masamang paggamit ng alak sa pamamagitan ng karahasan, pagkasugat, sakit sa pag-iisip at mga sakit na tulad ng kanser at stroke.
Binanggit pa rin sa report ng WHO na inaasahang madadagdagan pa ang mga kumokonsumo ng alak sa susunod na dekada lalo na sa Southeast Asia (na kinabibilangan ng Pilipinas) at America.
-oooooo-
Anumang reaksyon ay ipadala sa email address: rbernardo2001@hotmail.com