Ang pilotong tumalon sa eroplano na himalang nabuhay!
KASAYSAYAN ito ng US Marine pilot na si Cliff Judkins at nangyari noong 1963. Nagkakarga ng fuel habang nasa ere ang kanyang jet fighter nang bigla itong magliyab.
Nasa panganib ang kanyang buhay kaya mabilis niyang pinindot ang eject button. Subalit ayaw itong gumana. Ilang beses pa niyang pinindot subalit ayaw mag-eject.
Dahil nilalamon na ng apoy ang jet fighter at maaaring sumabog anumang sandali, napagpasyahan na lamang niyang tumalon mula sa eroplano. Humigit-kumulang, nasa taas siyang 15,000 talampakan. Mayroon naman siyang parachute kaya positibo siyang makakaligtas sa kamatayan.
Subalit sinusundan siya ng malas! Ayaw bumuka ang kanyang parachute! Sinubukan niyang buksan ang parachute ngunit nagkabuhol-buhol ang mga lubid nito. Tuloy-tuloy ang kanyang pagbulusok.
Mabuti na lamang at sa dagat siya bumagsak. Paglapat sa tubig, saka bumuka ang parachute!
Sa kabila na nabali ang mga buto, pinagpilitan ni Cliff na putulin ang lubid ng parachute na nakatali sa kanya. Tata-ngayin siya ng alon kung hindi makaaalpas sa parachute. Naalis niya ang parachute makaraan ang isang oras.
Nakita siya ng isang rescue plane. Hinulugan siya ng isang inflatable raft. Hirap na hirap siya sa pagsampa sa raft dahil maraming bali sa kanyang buto. Hindi niya nagawang buhatin ang sarili para makasampa kaya ang kanyang ginawa ay humawak na lamang sa raft. Hanggang isang barko ang dumating at nailigtas siya.
Naging laman ng mga pahayagan ang nangyari sa pilotong si Cliff. Ilang buwan ang inilagi niya sa ospital. Marami ang hindi makapaniwala sa kamangha-manghang kuwento ng kanyang kaligtasan.
- Latest