UBOS LAKAS ang ginawang pagsipa ni Manong Naldo kay Joemari na tinamaan sa sikmura. Iyon ang huling baraha ni Manong kaya siniguro niyang dapat ay tamaan niya nang solido si Joemari. Yung sipa na hindi na ito makababawi pa at hindi na makakabangon.
Nagawa ni Manong Naldo ang balak.
Dahil sa lakas ng sipa niya kay Joemari, tumalsik ito ng limang metro. At ang binagsakan nito, ay walang iba kundi ang ginawa nilang hukay ni Dong. Ang patibong na inihanda nila ang lumamon kay Joemari.
Dinig na dinig ni Manong ang sigaw ni Joemari nang mahulog ito sa kuwadradong butas. Kalunus-lunos ang sigaw na halatang natusok ito ng mga matutulis na bagay sa ilalim ng butas.
Hanggang sa unti-unting humina ang sigaw at wala na siyang narinig. Sa imahinasyon ni Manong, nakikita niya kung paano namatay si Joemari. Malagim na kamatayan.
Nagbayad din si Joemari sa mga ginawa nitong kasamaan. Nagwakas din ang pamamayagpag ng demonyo na maraming sinirang buhay dahil sa drug trafficking.
Nanatili si Manong Naldo sa pagkakaupo sa lupa. Nanlalambot siya dahil sa ubos lakas na ginawa niya kay Joemari. Sa buong buhay niya, ngayon lamang siya nakagawa nang napakalakas na sipa. Kung kailan siya tumanda, saka siya nagkaroon ng kakaibang lakas.
Samantala, nagkasama na sina Dong at Joy. Nang makatakas si Joy kay Joemari kanina, sa kubo agad siya nagtungo at doon niya nakita si Dong.
“Anong nangyari Joy? Nasaan na ang demonyo?’’
“Nagharap sila ni Manong. Ang huli kong nakita, nakaupo sa lupa si Manong at susugurin ni Joemari.’’
“Dito ka muna at pupuntahan ko. Baka nasa panganib si Manong. Magtago ka sa kuwarto Joy.’’
“Oo.”’
Mabilis na nagtungo si Dong sa labas.
Hilakbot siya sa nakita! (Itutuloy)