Damit

NAALAALA ko pa kapag magsisimba ako noong bata pa. May munting pagtatalo pang nagaganap sa pagitan naming mag-ina tungkol sa damit kong isusuot. Gusto ko ay simpleng damit lang ang aking isuot pero pinagagalitan ako ng aking ina. May bongga naman akong damit, bakit daw hindi iyon ang isuot ko? Ang mamahaling damit na tinatahi ng aking ina para sa akin ay hindi maginhawa sa katawan. Ang tela ay parang sumusundot sa aking balat at pakiramdam ko ay nangangati ako. Ewan ko ba kung anong tela iyon na medyo nangingintab pa. Ang gusto ko ay damit na malambot at yari sa cotton.  Kaso ang mga damit kong cotton ay tipong pangpasyal lang sa plaza at hindi pang-Sunday dress.

Ang dahilan ng aking ina kung bakit gustung-gusto niya akong pumorma: Pulos magaganda ang damit ng mga nagsisimba sa aming parish church at ayaw niyang magmukha akong yagit kapag napadikit sa mga ito sa loob ng simbahan. Tutal, marami akong magagandang damit, bakit hindi ko iyon irampa nang bonggang-bongga? Pagandahan kasi ng damit sa aming parish kapag nagsisimba noong araw kaya ganoon ang naging “orientation” ng aking ina. Napangiti tuloy ako nang mabasa ko ang sumusunod na anekdota:

Nagulat ang bisitang pari nang bisitahin niya ang isang parokya sa Central Africa na nagkataong may nagaganap na misa. Hubo’t hubad kasi ang lahat ng taong nakikipagmisa. Nang matapos ang misa ay ganito ang paliwanag ng parish priest:

“Noong unang na-assign ako dito ay talagang ganyan na ang kanilang hitsura—hubo’t hubad kapag nagsisimba. Pero kagaya mo ay nagulat din ako kaya binigyan ko sila ng damit para isuot tuwing magsisimba. Pero masama ang naging epek­to. Nagkaroon ng inggitan lalo na sa mga babae. Bakit daw mas maganda ang damit na ibinigay kay ganito at sa kanya ay pangit? Kaya sa halip na makinig sa misa ay walang ginawa ang mga tao kundi sulyapan ang damit na suot ng bawat isa upang ikumpara ang kanyang damit. Kaya binawi ko ang mga damit na ibinigay ko sa kanila at pinayagan nang magsimba nang nakahubad. Hayun, naging tahimik ang lahat at concentrated na lang sila sa pakikinig sa misa.”

Show comments