MALAKI ang respeto ko sa mga nakatatanda. Kaya sa tuwing may mga lolo at lola na dumudulog sa aming tanggapan, agad ko silang pinauunlakan.
Tulad na lamang ng grupo ng mga senior citizen na nagpakapa-god at nagpakahirap pumunta sa aming opisina para ilapit ang kanilang problema. Kuwento nina lolo’t lola, simula 2017 ay natigil umano ang buwanang pension na kanilang tinatanggap mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Nasa batas kasi, sa Expanded Senior Citizens Act of 2010 (RA 9994) ang mga “indigents” na umabot sa edad 60 pataas ay sasailalim sa Social Pension Program ng DSWD. Buwan-buwan may karampatang halagang matatanggap ang mga indibidwal na ito.
Para malaman kung ano ang dahilan nang pagkawala ng kanilang pension, nakipag-ugnayan ang BITAG-Kilos Pronto sa Office of Senior Citizens Affair-Muntinlupa, kung saan nakatira ang matatanda.
Kasama ang aming team, agad silang nagsagawa ng validation at re-assessment sa mga nagrereklamo. Isa-isang binisita ang mga ito.
Base sa kanilang pagsusuri sa bawat isa, lumalabas na hindi entitled o qualified ang karamihan sa mga nagrereklamo na makatanggap ng pension mula sa gobyerno. Isa lamang ang pumasa sa ebalwasyon ng OSCA-Muntinlupa.
Paliwanag ng OSCA-Muntinlupa, prayoridad ng gobyerno na bigyang pension ang mga indigent older persons o yung tinatawag na poorest of the poor. Below poverty line sa salitang ingles.
Sa mga hindi pumasang senior citizens, mayroon silang mga kamag-anak na nagbibigay sustento at pensiyong tinatanggap mula sa Social Security System (SSS) na tumutulong sa kanilang pang araw-araw na gastusin.
Maluwag din namang tinanggap ng mga senior citizens ang desisyon sa kanilang reklamo. Malaking ginhawa na mabigyang linaw ang kanilang mga katanungan.
Simula noon, hanggang ngayon ay layunin naming tugunan ang anumang reklamo sa BITAG at Kilos Pronto sa abot ng aming makakaya.
May mga sumbong na dahil sobra ang pang-aabuso, katapat nito ay bruskuhang aksiyon din. May ilan din naman nakukuha sa maayos na paliwanagan at pakiusapan lang, kaya everybody happy.