KUNG ayaw mong maging overweight ang iyong anak, obserbahan mo ang kanyang stress level. Ayon sa pagsasaliksik ng Linkoping University sa Sweden, ang mga batang nakatira sa tahanang puno ng problema ay mataas ang tsansa na maging tabachingching. Kagaya ng dahilan ng matatanda, mas nai-stress ang isang tao, mas malakas siyang kumain.
Ang ating katawan ay may hormone na kung tawagin ay leptin. Ito ang nagbibigay ng signal sa ating utak na busog na tayo. Kung ang isang tao ay problemado, nagpo-produce ang kanyang katawan ng maraming cortisol na isa rin hormone. Kapag maraming cortisol, natatalo nito ang leptin. Ang resulta: Hindi magawa ng leptin ang kanyang trabaho bilang tagapagbigay ng signal na tumigil na ang tao sa pagkain dahil “full” na ang tiyan nito. Ano pa ang aasahan mo sa sobrang paglapang—kundi ang makabagbag-damdaming pagtaas ng timbang.
• • • • • •
Ang pagpapababa ng timbang ay isang paraan para gumaling ang migraine. Ito ang nalaman ng mga researchers nang kumuha sila ng matatabang tao para gamitin sa kanilang pag-aaral. Mas malaki ang sukat ng waistline ng isang tao, mas madalas sumakit ang kanilang ulo. Hindi pa tapos ang ginagawang pag-aaral pero ang natuklasang ito ng mga reasearchers ay worth pursuing. Isang magandang panimula para mapag-aralan pang mabuti ang kaugnayan ng pagiging overweight sa pagsakit ng ulo.