QUIAPO ang pangunahing sentro ng Katolisismo sa Metro Manila. Kilala rin bilang sentro ng komersyo. Halos lahat ng pampasaherong jeepney, kung ‘di man dumadaan ay may terminal sa nasabing lugar. Isang dahilan kung bakit aktibo rin ang mga kawatan sa paligid ng simbahan.
Ilang drayber ng jeepney biyaheng Quiapo ang lumapit sa BITAG upang idulog ang pang-aabuso ng ilang siga sa Quiapo. Isa-isa nilang ibinulgar ang garapalang estilo ng mga kotongero.
Reklamo ng mga drayber, para na silang tau-tauhan ng mga dorobo. Walang karapatang tumanggi, walang karapatang sumagot sa mga nanghihingi. Obligado silang magbigay ng barya kahit na simula pa lang ng pamamasada.
Walang kinatatakutan, naghahari-harian sa lansangan. Hindi mamatay-matay na mga salot sa lipunan. Nagmistulang mga siga na garapalan kung mangotong sa mga pobreng jeepney driver na dumadaan.
Bata man o matanda, babae o lalaki, lahat siga! Kanya-kanyang sahod ng kamay para sa baryang pinaghirapan ng mga tsuper. May kasama pang panduduro at pananakot pag ‘di ka nakapag-abot. Akala mo may patago ang mga gago!
Kaya naman ang mga pobre, lahat ng mga madaanan, bibigyan. Pero sa dami ng kotongero sa lugar, halos wala nang mauwing kita ang mga tsuper sa kanilang bahay. Imbes na pambaon ng mga anak, napupunta sa mga masisibang kawatan.
Pati mga bata na dating uhugin pa, nakikipila na rin sa mga nangongolekta ng barya. Kung anong nakikita sa mga lintik nilang magulang, ginagaya.
Ang mga siga, parang mga lintang nabubuhay sa pamamagitan ng pangongolekta ng tong. Ang mga baryang nalilikom, aabot sa milyon kada buwan. Mas malaki pa kaysa sa donasyon na nakukuha ng Quiapo church kung san namumugad ang mga kawatan.
Dahil sa reklamo agad nakipagtulungan ang BITAG sa Manila Police District (MPD). Nagplanong maigi bago sugurin ang kanilang lungga sa Quiapo. Pagdating sa lugar, animo’y mga dagang nakakita ng pusa, biglang nagpulasan. Nang magkaharap-harap na sa presinto, nagmistulang maamong tupa ang mga dorobo.
Batid ng BITAG na patuloy pa rin ang ganitong klase ng estilo. Pero magsilbi sanang aral sa inyo ito. Dahil sa oras na makaabot sa amin ang reklamo, makakahanap kayo ng katapat.