Bakit hindi ko pinupulot ang baryang nakikita sa daan?
KAHIT ako sabik sa pera noong bata pa ako, hindi ko ugaling pulutin ang namataan kong barya sa kalsada. Ang aking pinupulot ay baryang nakikita ko sa loob ng aming bahay o bakuran.
Kaming magkakalaro noong aking kabataan ay mahilig tumambay sa harap ng sari-sari store na nagpaparenta ng komiks. Para mas mura ang renta sa komiks, sa mismong harapan ng tindahan namin binabasa ang komiks. Mas mahal ang renta kung ang komiks ay iuuwi pa sa bahay.
Tuwing magbabasa kami ng komiks, lagi naming naaamoy ang mabahong kilikili ni Kuya Tukmol, ang kapatid ng may-ari ng tindahan. Siya ang tagabantay sa komiks na pinaparenta. Nakaupo siya malapit sa inuupuan namin habang kami ay nagbabasa ng komiks.
Sa sobrang baho ng kilikili, minsan ay hindi ko na maintindihan ang aking binabasa. Hindi ko na namamalayan na binibilisan ko na pala ang pagbabasa para makaalis na agad ako sa harapan ng tindahan. Pakiramdam ko’y sasabog ang aking ulo sa lakas ng amoy.
Minsan ay narinig ng lolo ng aking kalaro na pinagtsitsismisan namin ang mabahong kilikili ni Kuya Tukmol. Kuwento ni Lolo Minyong:
“Naku, mahilig kasing pumulot ng barya si Tukmol.”
“E, ano naman pong koneksiyon ng pamumulot ng barya sa anghit niya?” tanong namin kay Lolo.
“Aba, ingat din kayo sa baryang pinupulot ninyo. Ang sekreto kasi para matanggal ang anghit ay singitan mo ng barya ang iyong kilikili. Tapos habang naglalakad ka sa kalsada ay ilaglag mo ang barya mula sa kilikili. Kapag ginawa mo iyon, matatanggal ang iyong anghit at lilipat doon sa nakapulot ng barya.”
Paniwalang-paniwala naman kaming mga mahaderang magkakalaro. Hindi namin alam ay gawa-gawa lang ni Lolo Minyong ang kuwentong barya. Saka namin na-realize noong malalaki na kami, na ang nakakatanggal ng anghit ay kalinisan sa katawan at hindi pagsisingit ng barya sa kilikili. Pero sa totoo lang, hanggang ngayon ay hindi ako namumulot ng barya sa kalsada. Natatakot ako na baka iyon ay nagmula sa kilikiling mabaho.
- Latest