6 na squirrel sa Nebraska, iniligtas nang magkabuhol-buhol ang mga buntot

ANIM na squirrel ang kinailangang iligtas ng mga wildlife experts sa Nebraska mula sa isang kakaibang sitwasyon.

Nagkabuhol-buhol kasi ang mga buntot ng anim matapos silang mapadikit sa dagta ng puno.

Kinailangan tuloy silang i-rescue ng mga kasapi ng Nebraska Humane Society mula sa kanilang nakakaawang sitwasyon.

Ayon sa grupo, maaaring nagbubuno ang anim sa loob ng puno nang mapadikit ang kanilang mga buntot sa dagta kaya nagkanda-buhol-buhol ang mga ito. 

Dagdag pa ng isa sa mga rescuers na bata pa ang mga squirrel, na tinataya nilang nasa mga walong linggo pa lamang.

Isang residente sa lugar ang unang nakapansin sa mga squirrel, na isa-isa raw naghihigitan ng buntot papunta sa kani-kanilang mga direksiyon.

Bago pinaghiwa-hiwalay ang anim ay pinainom muna ng painkillers ang mga squirrel. Nagtamo ng pinsala ang ilan sa mga buntot ngunit inaasahan ng Nebraska Humane Society na gagaling din ang mga ito at maaari nang pa­kawalan sa loob ng ilang linggo.

Show comments