Grand Monaco, saksakan ng pagka-dorobo!
MARAMING Pilipino ang pumupunta sa ibang bansa para sa magandang kinabukasan. Kadalasan pa ay mismong mag-asawa ang nakikipagsapalaran at sabay na nag-iipon para sa kanilang bubuuing pamilya.
Hindi biro kumayod para lamang makapag-ipon dahil mala-king sakripisyo talaga ang kailangan na ilaan. Ngunit paano na lamang kung ang pinagpaguran mong pag-ipunan ay napurnada at naisawalang bahala lamang?
Ganito ang inilapit sa amin ng mag-asawang OFW sa Saudi dahil ang pangarap nilang bahay, naging kalansay!
Enero noong 2014 nang maengganyo ang mag-asawa na magpa-reserve ng pre-selling house sa halagang 25K sa Grand Monaco at napagkasunduan na P19, 360 ang kanilang monthly dues.
Anila, ang kompanya raw ay nagpakita ng magagandang design na bahay at ang itatayo nitong community sa Antipolo, Rizal.
Sumatutal, P2.5 milyon daw ang halaga ng bahay at sa loob ng apat na taon ay nakapagbayad na sila ng mahigit P1 milyon subalit sa paglipas ng panahon ay haligi pa rin ang naitatayo ng developer.
Matapos daw nilang makita ito noong 2016 ay kinumpronta agad nila ang kompanya at nangako naman na sa loob ng isang taon ay mabubuo na nila ang bahay.
Dalawang taon na ang lumipas, napako na naman ang pangako ng mga putok sa buho sa Grand Monaco! Hoy, may pagawa-gawa pa kayo ng commitment letter, di n’yo naman diniliber ang proyekto n’yo!
Tinamaan ng lintik, sa sobrang galing ng mangubra ng mga dorobo, napagod na ang kliyente dahil nagkalumot na ang bahay at ginawa pang sampayan.
Gusto yatang matulad ng mga ito sa JAO Builders na aming napasara noon dahil ilang kliyente rin ang nalinlang ng mga talpulano.
Agad kaming nakipag-ugnayan sa HLURB-NCR sa pangunguna ni Atty. Norman Doral at malinawanag na sinabi na makakapag-refund ng pera ang mag-asawa at inanyayahan pa na pumunta sa kanilang opisina para makuha ang iba pang detalye at iimbestigahan kung puwedeng sampahan ng kasong administratibo!
Kaya kumpare, oo mga boss, tama kayo ng basa, nagninong kami sa binyag noon. Umayos ka! Di ka ba nahihiya sa naglalakihan mong billboard sa EDSA? Harapin mo ang reklamo sa’yo! Responsibilidad mong itama ang mali kaya umaasa ako sa’yo.
- Latest