Nanay sa California, tinapos ang marathon kasama ang kanyang triplets

ISANG nanay sa California ang nakamit ang kanyang pangalawang world record matapos kumpletuhin ang isang marathon habang tulak-tulak ang tatlong strollers ng kanyang triplets.

Kinumpleto ni Anna Marie Cody ng Sunnyvale, California ang Modesto Marathon sa loob ng 4 oras, 6 minuto, at 33 segundo na mas mabilis ng 20 minuto sa oras ng dating world record.

Mabilis na nakumpleto ni Cody ang marathon sa kabila ng pagtutulak niya ng strollers ng kanyang tatlong 15-buwang supling.

Ito na ang pangalawang world record ni Cody at ng kanyang triplets matapos nilang tapusin ang isang half-marathon sa Fresno sa record time na 1 oras, 47 minuto, at 59 segundo.

Hindi lamang world record ang nakamit ni Cody dahil sa pamamagitan ng kanyang world record attempt ay nakalikom din siya ng donasyon upang ibigay sa ospital kung saan niya iniluwal ang kanyang triplets.

Bagama’t malaking bagay daw ang pagtatala niya ng bagong world record ay mas mahalaga pa rin kay Cody ang pagkalap ng sapat na pera para sa mga tauhan ng ospital na nag-alaga sa kanya at sa kanyang triplets noong kapapanganak pa lamang ng mga ito.

Show comments