EDITORYAL – Casino sa Bora, no way!

“Idid not say I will allow casino there,” sabi ni Duterte noong nakaraang patungkol sa mga batikos na magtatayo ng casino sa Boracay kaya ito isasara. Wala raw siyang sinabi na magtatayo roon ng pasugalan. Maski nga raw kubo ay hindi siya papayag na itayo roon, casino pa kaya. Sinabi rin ng Presidente na ang Boracay ay isang agrarian reform area at pag-aari ng gobyerno. At maaari niyang ipamahagi sa mga magsasaka ang lupain doon. Bibigyan niya umano ng traktora ang mga magsasaka para may magamit sila.

Ang paghahayag ni Duterte na walang itatayong casino sa Boracay ay ginawa makaraang kumalat ang report na kaya isasara ang island resort sa loob ng anim na buwan ay dahil itatayo roon ang malaking casino. Ang pinagmulan umano ng report ay si Sen. Antonio Trillanes IV. Dalawang major casinos umano ang itatayo sa Boracay at inaprubahan na ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR). Sabi naman ng PAGCOR, ang permit umano ng dalawang casinos ay provisional lamang.

Bawal ang casino sa resort island na tinawag ni Duterte na “cesspool” o poso-negro. Ito ang dahilan kaya niya ipinasara ang Boracay. Sobrang dumi ng karagatan na walang ipinagkaiba sa poso-negro sapagkat dito iniluluwa ng mga hotel, restaurants, bars, at iba pang establishments ang kanilang dumi. May mga PVC pipes na nakaumang sa dagat at doon dumadaan ang dumi mula sa lababo, banyo at ang matindi para sa comfort room.

Mga iresponsable ang mga resort at hotel owners sapagkat wala silang water-waste treatment facilities. Lumalabag sila sa environmental laws at kaya lantaran ang pagwasak sa kapaligiran ng Boracay. May mga establishments na kinain na ang dalampasigan kaya lalo pang nasira ang tanawin ng Boracay.

Magkakaroon ng bagong anyo, malinis, kaaya-aya at kawili-wili ang sikat na tourist resort pagkaraan ng anim na buwan. Walang casino na itatayo roon gaya ng sinabi ni Duterte kaya mananatiling safe ang lugar.

Show comments